MAAARING nasa isang kritikal na turning point ang Iran na kakaiba sa lahat—talagang hinog na para sa rebolusyon. Kung paanong ang Islamic Republic ay isinilang mula sa isang rebolusyon, ngayon naman ay isang bagong henerasyon ang lumalabas sa mga kalsada, lumalaban hindi lang para sa ginhawang pang-ekonomiya kundi para sa mga kalayaang matagal nang nawala.
Ang pagbagsak ng Shah (hari) noong 1979 ay nangako ng dignidad, kalayaan, at moral na linaw — isang pangakong tinanggap kahit may matinding ideolohikal na pagbabago na hinubog ng pananampalataya. Ngunit makalipas ang halos limang dekada, hungkag na ang tunog ng pangakong iyon para sa isang bansang mas nakaranas ng isolation kaysa impluwensiya, repression kaysa renewal, at sanctions kaysa stability.
Sa kasalukuyan, bata ang populasyon ng Iran. Connected sila at lalong nagiging global. Malaki ang papel dito ng pag-aaral at pagtatrabaho sa abroad, kung saan marami ang napunta sa mga bansang tulad ng Pilipinas. Kaya pagbalik nila sa Iran, dala nila ang malinaw na realization na ang competitiveness sa modernong ekonomiya ay nangangailangan ng openness, hindi clerical stiffness.
Sa kasamaang-palad, ang mga pangarap na ito para sa mas malayang galaw ng capital, ideas, kababaihan, at talento ay hindi pinapayagang umusbong sa ilalim ng isang estado na mas mahigpit pang nagbabantay ng dress code kaysa productivity.
Kaya marami ang tumitingin sa labas at inaalala ang sarili nilang simbolo: si Reza Pahlavi. Siya ang ipinatapong tagapagmana ng huling Shah, minsang hinubog para sa Peacock Throne, ngunit ngayo’y isang stateless exile na hinubog nang pagkawala at hinubaran ng mga titulong monarkiya.
Apat na dekada sa exile ang nagtanggal sa kanya ng imperial pretensions at, sa kabalintunaan, nagbalik ng kanyang relevance. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi niya ibinebenta ang pagbabalik ng dating glory ng kanilang pamilya, kundi isang mas makatwirang panukala: isang 100-day interim plan, isang referendum, at ang mariing paninindigan na ang mga Iranian — hindi mga dinastiya — ang dapat magpasya ng kanilang kinabukasan.
Ang sanctions ay matagal nang pumilay sa kakayahan ng Iran na magplano nang pangmatagalan, bunga ng paghahabol ng mga Islamic leaders nito sa nuclear capability. Ang mga lihim na pagsuporta sa extremist groups sa abroad na naghasik ng takot sa free world ay lalo lamang nagbaon sa Iran sa isolation at naglagay sa bansa sa panganib na maging collateral damage sa mas malalaking power games.
Dagdag pa rito ang pakikipag-align sa Russia sa gitna ng invasion sa Ukraine, o sa China na nagpapakita ng lakas sa South China Sea — mga hakbang na naglagay sa Iran sa maling panig ng global order.
Oo, may mga nagsasabing amoy foreign intelligence ang malawakang civil unrest, at maaaring totoo ngang may kamay ang Central Intelligence Agency o CIA — sino ba ang nakakaalam? Ngunit nang ang United States — sa ilalim ni Pangulong Donald Trump — ay nagbabala sa Tehran na huwag gumamit ng lethal force laban sa mga nagpoprotesta, at nagbanta ng seryosong aksyon kung babarilin ang mga demonstrador, alam ng Islamic government na papalapit na ito sa checkmate.
Bagama’t ang babala ni Trump ay maaaring tunog reassurance para sa ilang Iranian, mas mahalaga para sa bansa na ang domestic liberation ay manggaling sa kamay ng mga Iranian, hindi sa foreign boots.
Sa loob mismo ng Iran, sapat nang dahilan ang hindi pagbibigay ng pantay na pagkakataon sa kababaihan, kahit karapat-dapat silang maging professionals, executives, scientists, at leaders — mga papel na hindi tugma sa rigid na paraan ng religious order ng Iran. Maraming kabataang Iranian, sa katunayan, ay hindi tinatanggihan ang pananampalataya mismo kundi ang suffocation na dulot nito.
Hindi rin nakatutulong ang instinct ng Tehran na maging mas kontrolado sa gitna ng mga protesta. Isinara ang internet, sinelyuhan ang borders, at pinahinto ang mga biyahe ng eroplano. Delikado at hindi makatao ito. Sa pinakamaayos na hakbang, dapat ibalik ang komunikasyon at buksan muli ang mga paliparan — kahit para sa mga dayuhan, mga vulnerable na mamamayan, mga estudyante, at mga migrant families, kabilang ang mga Pilipinong may asawang Iranian na may karapatang makaalis nang ligtas.
Para sa Pilipinas, may espesyal itong bigat. Tinatayang 1,200 hanggang 2,000 Pilipino ang naninirahan sa Iran, marami sa kanila ay may asawang Iranian o nag-aaral — mga ugnayang sumasalamin sa cultural bonds, mutual respect, at shared life.
Siyempre, inaasahang maging tulay si Pahlavi tungo sa isang mas magandang kinabukasan na maiisip para sa Iran. Ngunit kung magtatagumpay man siya sa mga darating na araw, linggo, o buwan ay pangalawa lamang. Napagpasyahan na ng mga Iranian na hindi na sila maghihintay ng rebolusyon — sila mismo ang magiging rebolusyon.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






