Home OPINION IMPEACHMENT AT MGA MAGNANAKAW

IMPEACHMENT AT MGA MAGNANAKAW

283
0

SINASABING dalawa ang posibleng ma-impeach sa mga darating na araw, simula sa Enero 26, 2025 na pagsisimula ng sesyon ng Kongreso.

Ilang araw na lamang ‘yan, mga Bro.

Hindi lang umano si Vice President Sara Duterte kundi mismong si President Bongbong Marcos.

Kung anoman ang katotohanan dito, walang makapipigil diyan.

Kapangyarihan o pribilehiyo ng Kamara ang mang-impeach o magsampa ng kaso laban sa sinomang impeachable official.

Kung magtatagumpay sila sa pagsasampa ng kaso, ang Senado naman bilang Impeachment Court ang magpapasya.

Nasa Impeachment Court ang pagpapasya kung hatulan nitong nagkasala o inosente ang in-impeach.

Kung hindi naman, posibleng masangkot na naman ang Supreme Court at gaya ng naunang impeachment kay VP Sara, posibleng harangin ng SC ang impeachment bilang labag sa Konstitusyon.

Para sa iba, pwede ring pawalan ng saysay ng SC ang desisyon ng Impeachment Court kung nagdesisyon ito na may grave abuse of discretion.

MAGKAGULO-GULO

Tiyak na magugulo ang buong bayan sa mga impeachment na ito.

Isa sa mga pagmumulan ng gulo ang posibleng pagkaso lamang sa isa kina Inday Sara at Bongbong Marcos.

Kung si Inday Sara lamang, aangal ang kanyang mga taga-suporta, hindi lang sa Kamara kundi sa hanay ng mga mamamayan.

Ganito rin tiyak ang mangyayari kay Bongbong Marcos.

Hindi rin mapipigilan ang mga paghahambing gaya ng sinasabing higit na malaking bintang ng pagnanakaw sa parte ni Bongbong Marcos kaysa sa parte ni Inday Sara.

Ito ang higit na magpapagulo sa sitwasyon at nanggagaling ito sa iba’t ibang sources.

Para kay suspended Congressman Kiko Barzaga ng Cavite, higit na mas malaking krimen ang paggastos ni Bongbong Marcos ng bilyon-bilyong piso bilang pansuhol sa mga kongresman upang i-impeach nila si Inday Sara na inaakusahan ng iligal na paggastos sa higit na maliit na halaga na confidential fund.

Ani Barzaga, “I will not be signing the impeachment complaint against Vice President Duterte. While I agree that her usage of confidential funds must be investigated, President Marcos spending billions of public funds in order to bribe Congress into voting for VP Duterte’s impeachment is ultimately a far greater crime than anything VP Duterte is accused of.”

Andiyan pa ang bintang mismo ni dating Bikol Party-list Representative Zaldy Co na nagpapatunay ng higit na malaking kikbak sa P100 bilyong insertion sa 2025 badyet ni Marcos na may 25% kikbak kumpara naman sa ibinibintang na P125 milyon na confidential fund ni Sara.

May paratang pang pinirmahan ni Marcos ang mga nakaraang General Appropriations Act para sa 2023, 2024 at 2025 sa kabila ng kaalaman umano nito na puno ng mga insertion na may kikbak ang mga proyektong pang-imprastraktura at isa umano itong betrayal of public trust.

WASAK ANG KREDIBILIDAD

Kapag pinagsabay naman ang impeachment ng dalawa, babagsak o wasak ang kredibilidad ng buong gobyerno sa paniniwalang parehong magnanakaw ang dalawa.

Pero madadamay ring babagsak o mawasak ang mga Kamara at Senado dahil sa mga paniniwalang halos pawang magnanakaw rin ang mga ito.

Mag-uusig ang mga magnanakaw at maghahatol ang mga magnanakaw sa kapwa nila magnanakaw.

Paano ‘di magkagulo-gulo ang bayan at ‘di babagsak ang pamahalaan diyan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here