Home OPINION SIMPATIYA, SUPORTA KAY VP SARA, LALONG LUMALAKAS

SIMPATIYA, SUPORTA KAY VP SARA, LALONG LUMALAKAS

124
0

DINIDINIG ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang impeachment complaint laban kay Sara Duterte. Kaugnay nito, iginiit ni Terry Ridon na busisiin ng House Justice Committee ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente.

Ayon kay Ridon, tumaas umano ng mahigit P70 milyon o katumbas ng halos 378 porsyento ang yaman ni Duterte mula 2008 hanggang 2024. Ang datos ay ibinatay sa mga SALN na isinumite ng Bise Presidente sa Office of the Ombudsman.

Noong 2008, nasa P18.493 milyon ang naitalang net worth ni Duterte at bahagyang bumaba sa P18 milyon noong 2009. Ngunit sa pinakahuling SALN noong 2023 at 2024, umabot na ito sa P77.5 milyon at P88.5 milyon.

Ikinumpara pa ni Ridon ang sitwasyon sa naging kaso noon ni Renato Corona na naimpeached dahil sa umano’y “unexplained wealth.”

Ngunit para sa maraming mamamayan, may tanong: bakit tila si Duterte lamang ang sentro ng matinding pagbusisi? Hindi lingid sa publiko na may mga opisyal din sa pamahalaan na mas mabilis pang lumobo ang yaman sa loob lamang ng ilang taon ng panunungkulan.

Habang iniimbestigahan ang Bise Presidente sa mga alegasyong paggamit ng pondo, naipaliwanag na rin naman ito sa Commission on Audit. Sa halip, ayon sa ilang kritiko, dapat ding tutukan ng Kongreso ang mga alegasyon ng katiwalian sa iba’t ibang proyekto ng pamahalaan, kabilang ang mga flood control project at isyu sa pondo ng pambansang badyet na minsan nang ibinunyag ng dating kongresistang si Zaldy Co.

Dahil dito, may mga sektor ng publiko na nagsasabing tila nagiging personal ang mga pag-atake laban sa Bise Presidente. Sa halip na pahinain ang kanyang posisyon, ang ganitong mga hakbang ay nagdudulot pa ng higit na simpatiya mula sa mga mamamayan.

Hindi rin maikakaila na nananatiling malakas ang suporta ng marami sa pamilya ng dating Pangulong Rodrigo Duterte. Para sa mga tagasuporta nito, ang patuloy na pagbatikos kay Sara Duterte ay lalo lamang nagpapalakas sa imahe niya bilang isang “underdog.”

Sa pulitika ng Pilipinas, madalas kumampi ang publiko sa inaaping panig. Kung hindi mag-iingat ang mga nasa Kongreso sa kanilang mga hakbang, maaaring ang kanilang mga pag-atake ang mismong magpalakas sa posisyon ni Sara Duterte—lalo na kung sakaling pasukin nito ang laban sa pagkapangulo sa 2028.

Matakot na kayo! Hindi ito pagbabanta.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here