SA kabila ng iginigiit ng pamunuan ng Bureau of Jail Management ang Penology na walang special treatment na makukuha ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan na nasa kanilang pangangalaga, mukhang taliwas ito sa nangyayari ngayon sa Quezon City Jail.
Matunog na matunog kasi ang usap-usapang kakaiba umano ang pagtratong ibinibigay ni Quezon City Jail Warden Supt. Maria Lourdes Pacion sa nakapiit na si dating Sen. Bong Revilla kumpara sa regular na mga persons deprived of liberty.
Pero hangga’t walang pormal na imbestigasyon at ebidensyang magpapatunay na binibigyan nga ng special treatment ng warden si Revilla, mahirap itong paniwalaan at mananatiling tsismis kung ikukumpara sa mga magagandang nagawa nito noong siya’y warden ng Manila City Jail Female Dormitory. (Totoo yan. Mahusay na opisyal ang warden na iyan. Kapakanan ng PDLs ang laging una-Ed)
Sa mga hindi nakakaalam, kinilala si Pacion sa kanyang dedikasyon sa trabaho nang itatag niya ang 72-seater na air-conditioned classroom para sa PDLs sa ipinaayos niyang lumang bodega sa Manila City Jail Female Dormitory para i-convert bilang Alternative Learning System na kauna-unahan sa buong bansa, kung saan nakapagtapos ang 220 estudyante.
Marami pa siyang mga ginawang hakbang para sa pagpapabuti ng kalagayan ng PDLs, lalo na sa kanilang katayuan at pangunahing pangangailangan.
Kaya lang, mukhang matatabunan ang kanyang mga magagandang gawain kapag napatunayang totoo ang mga usap-usapan nang pagbibigay niya ng espesyal na pagtrato sa nakapiit na senador sa pinamumunuang bilangguan.
Kabilang kasi sa mga ibinibintang ang pagpayag umano ni Pacion na malayang makagamit ng cellphone ang senador, pati na rin ang umano’y unli-order ng kung anong gustong pagkain kahit anong oras.
Pinayagan din umanong makapagpasok ng appliances sa kanyang quarter si Revilla kaya’t mistula raw itong nasa isang komportableng lugar na mala-condominium unit.
Hindi lang yan. Umugong ang usap-usapan na may sarili umanong CR (comfort room) ang dating mambabatas na unlimited din ang kanyang dalaw kumpara sa ibang PDLs na may oras lamang ang dalaw.
Pero uulitin ko, hangga’t walang matibay na ebidensiyang sa mga nasabing akusasyon, mananatiling tsismis at paninira lang ito kaya dapat siguro, bigyang pansin na ito ni BJMP Director Ruel Rivera at Secretary of the Interior and Local Government Jonvic Remulla upang alamin ang katotohanan sa likod ng mga bintang.






