UMANI ng 24,881 na naaresto dahil sa paglabag sa mga lokal na ordinansa sa Metro Manila sa loob lamang ng dalawang araw, Abril 6 hanggang 7, sa ilalim ng “Safer Cities” initiative ng Philippine National Police .
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., pangunahing tinutukan ng operasyon ang mga tinatawag na “minor violations” tulad ng public drinking, paglabag sa curfew, paglabas nang walang damit pang-itaas, at maiingay na videoke sa gabi.
Sa datos ng PNP, pinakamarami ang naitala sa public drinking at smoking na umabot sa 8,075 kaso. Sumunod ang 2,672 na lumabag sa ordinansa sa paglabas na walang pang-itaas na damit, 2,245 minors na lumabag sa curfew, at 584 na reklamo sa ingay ng videoke. Ang natitirang 11,305 ay iba’t ibang lokal na paglabag sa ordinansa. Sa mga nahuli, 6,369 ang pinagmulta, 219 ang kinasuhan, habang 18,293 ang pinalaya matapos bigyan ng babala.
Sinabi ng puno ng pambansang pulisya , ang mahigpit na pagpapatupad sa maliliit na paglabag ay bahagi ng mas malawak na layunin ng pulisya na pigilan ang pag-usbong ng mas seryosong krimen. Aniya, ang mga simpleng paglabag ay maaaring mauwi sa mas mabigat na kriminalidad kung pababayaan, kaya’t kailangang maagap na tugunan.
Ngunit sa kabila ng paliwanag na ito, nananatiling bukas ang usapin kung ang malawakang paghuli sa petty violations ay tunay na epektibong hakbang sa crime prevention, o isa lamang mas agresibong kampanya sa pagpapatupad ng disiplina sa lansangan.
Sa ilalim ng “Safer Cities,” mas ramdam ngayon ang presensya ng pulis sa mga komunidad. Subalit kasabay nito ang mga tanong kung ang pangunahing tungkulin ba ng kapulisan ay unahin ang mga seryosong kaso tulad ng droga, nakawan, at organisadong krimen, o ang malawakang pagpapatupad ng mga ordinansang pang-disiplina.
Iginigiit ng PNP na may Internal Affairs Service para bantayan ang anomang abuso at may mahigpit na paninindigan laban sa “hulidap.” Gayunman, hindi maikaiila na may mga naunang karanasan ng reklamo hinggil sa umano’y pang-aabuso sa mga kahalintulad na operasyon.
Mahalaga ang disiplina sa lipunan, ngunit dapat itong ipatupad nang may balanse at paggalang sa karapatan ng mamamayan.
Para sa kaalaman ng lahat, ang tunay na sukatan ng tagumpay ay hindi lamang ang dami ng nahuhuli sa maliliit na paglabag, kundi ang kakayahang mapanatili ang kapayapaan nang hindi sinasakripisyo ang dignidad ng publiko.






