SAKALING makababalik sa Pinas si dating Ako Bikol Partylist Representative nang buhay at kung magtatagal siyang mabuhay rito, hiling natin ang buong katotohanan mula sa kanya.
Sa ngayon, wala pang nakatitiyak kung pakakawalan siya ng Czech authorities kaagad dahil baka balak niyang mag-aplay ng asylum sa batayang pupuwede siyang ipapatay, gaya ng nababanggit niya sa kanyang mga pahayag habang wala siya sa bansa.
Ipagpalagay na lang nating hindi pagbibigyan ang posibleng aplikasyon niya para sa asylum, pagdating niya, dapat bigyan ito ng pagkakataon na ilabas nito ang buong katotohanan sa iskandalo sa abot ng kanyang makakaya.
Huwag itong paikutin, takutin o iligaw para lalabnaw ang mga pahayag niya noon na hanggang kay dating Speaker Martin Romualdez at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pinaka sa lahat ng mga korap sa bansa o pagbaligtarin kaya.
Mula sa buong katotohanan, lilitaw o susunod na ang ibang mga bagay gaya ng katarungan, lalo na ang para sa sambayanan na napinsala nang todo sa korapsyon na kanyang kinasangkutan.
DOKUMENTO AT TESTIMONYA
Upang mailalabas ang buong katotohanan, dapat may tunay at solidong ebidensya ito na tutugma sa katotohanan.
Isang tanong: Mayroon pa ba siyang makakalkal na ebidensyang dokumento matapos na i-raid ang kanyang mga tinitirhan at hakutin ng mga awtoridad ang maraming dokumento roon?
Ang mga datos na inihahayag niya noon gaya ng mga male-maletang salapi na kanyang idineliber kina Romualdez at Marcos sa kanya-kanyang bahay ng mga ito, may mga mailalabas ba siyang patunay rito?
Bagaman nirerespeto ng hukuman ang mga personal na kaalaman sa mga anomalya, kailangan pa rin ang mga ito ng mga tumutugma o corroborating evidene, kabilang ang mga dokumento, upang maging solido ang mga pahayag ukol sa korapsyon o pandarambong.
TESTIMONYA NG 18 MARINES
Kung hindi nagiging sinungaling ang 16 dating Marines at 2 sundalo na naglantad ng kanilang mga sarili bilang tauhan ni Zaldy Co at kasama o inuutusan niyang magdeliber ng mga kikbak, makatutulong nang malaki sa kanya sa pagpapatotoo ng kanyang mga sasabihin sa korte at sa publiko.
Para sa ating Uzi, maaaring may mga kasinungalingan sa mga pahayag ng mga ito, maging si Zaldy Co, ngunit ang mahalaga ay mga katotohanan ang iba.
Halimbawa ng posibleng kasinungalingan ang sinabi ni Co wala siyang natanggap na kikbak at lahat ng inipon o ibinigay sa kanya na kikbak ay dinala o pinadala niya lahat kina Romualdez at Marcos.
Ngunit kung may katotohanan at magtutugma ang mga sinasabi ni Co at mga dating sundalo, diyan na magkakaalaman.
KORTE AT KONGRESO
Dapat magsabay ang korte at Kongreso sa paglalantad ng katotohanan.
Kapag idaan lahat sa korte, normal na rerendahan ang paglabas ng mga impormasyon upang makamit ng hukuman ang independiyente at walang impluwensya mula sa labas na paggawa ng desisyon makaraan ang paglilitis.
Kaya naman, kailangan natin ang pag-iimbestiga ng Kongreso na karaniwan namang bukas sa lahat at nasusubaybayan ang mga pangyayari.
Pero lahat ng ito ay magaganap kundi hindi mapapatay o babaligtad si Co, kasama ang kanyang mga naging tauhan.
Good luck sa lahat!






