Home OPINION JUSTICE DENIED BY GROSS NEGLIGENCE?

JUSTICE DENIED BY GROSS NEGLIGENCE?

132
0

KINUMPIRMA ng Philippine National Police ang malagim na trahedya kung saan limang Persons Under Police Custody ang nasawi, isa ang kritikal, at apat na pulis ang sugatan matapos ang isang vehicular accident sa bahagi ng Payatas Road sa Quezon City bandang alas 11:30 ng umaga nitong nakalipas na Biyernes. Isang aksidenteng hindi dapat nangyari kung may sapat na pag iingat at malinaw na pagsunod sa protocol.

Ayon sa opisyal na pahayag, iniimbestigahan ang mga pangyayari kabilang ang posibleng lapses sa operasyon upang matiyak ang accountability. Naglabas na rin ng show cause order ang Land Transportation Office. Ngunit sa kabila nito, nananatiling mabigat ang tanong kung kapabayaan ba ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng mga taong nasa kustodiya ng estado.

Hindi maiiwasang usisain ang maraming detalye. Ano ang mga kasong kinahaharap ng mga nasawi? Sila ba ay mula sa hearing? Rehistrado at roadworthy ba ang ginamit na sasakyan? Awtorisado at sapat ba ang kakayahan ng driver? May maayos bang maintenance at sapat na pondo para sa ganitong operasyon? Ang mga tanong na ito ay hindi lamang teknikal kundi sumasalamin sa kabuuang sistema ng pangangalaga sa mga taong nasa ilalim ng kustodiya.

Mas masakit tanggapin na may umiiral ng mga mekanismo upang maiwasan ang ganitong trahedya. Sa ilalim ng mga alituntunin ng Korte Suprema, partikular sa Memorandum Circular 02 2026 at sa guidelines sa videoconferencing, malinaw na itinataguyod ang paggamit ng online hearings para sa Persons Deprived of Liberty. Layunin nito na mabawasan ang panganib sa transportasyon at mapabilis ang proseso ng hustisya.

Kung ipinatupad nang maayos ang ganitong mga patakaran, maaaring nailigtas ang buhay ng mga nasawi. Ang trahedyang ito ay hindi lamang simpleng aksidente kundi paalala ng mga pagkukulang sa sistema. Ang mga PUPC ay may karapatan sa proteksyon at maayos na pagtrato habang nasa kamay ng batas.

Ang pagkamatay nila ay hindi lamang pagkawala ng buhay kundi pagkawala rin ng pagkakataong maipagtanggol ang sarili sa hukuman.

Kapag ang estado mismo ang pumalya sa pagbibigay ng seguridad, ang hustisya ay hindi lamang naantala kundi tuluyang naagaw. Dahil sa pagkasawi ng mga PUCP, nawalan na rin sila ng pagkakataong makakuha ng HUSTISYA.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here