NAKABABAHALA ang ginawang pagsasampa ng kasong human trafficking at droga laban kina Julie Defensor at Miguel Defensor, asawa at anak ni dating Anak Kalusugan Rep. Mike Defensor matapos ang pagsalakay sa isang gusali sa Pasig City.
Asawa at anak ni Congressman Mike, sabit daw sa prostitusyon at droga? Aba’y isa itong malaking kasinungalingan at kagaguhan.
Ang mas nakapangangamba sa kasong ito ay ang pagpapakita ng gobyerno na kapag ikaw ay isang kritiko, napakadali sa kanila na gawan ka ng imbentong mga kaso.
Batid nating isa si Defensor sa numero unong kritiko ngayon ng pamahalaang Marcos, Jr. dahil sa garapal, malawak at malalim na isyu ng pandarambong nito sa pondo ng bayan.
Sa lansangan at sa iba’t ibang forum, nakikita natin si ‘Tol Mike na nangunguna sa mga mamamayang nananawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Bongbong Marcos. Hindi tumitigil si Mike kaya naman magagalit talaga sa kanya ang administrasyon.
Ngayon ay sinusubok ang mga Defensor. Inakusahang nagpatatakbo ng mga iligal na negosyo na napakaimposible at malayong-malayo sa katotohanan.
Itinanggi ni Julie na may kinalaman sila ng kanyang anak sa operasyon ng sinalakay na establisimyento ng National Bureau of investigation.
Ayon sa may-bahay ng dating mambabatas, ang pagtatangkang iugnay ang kanyang pamilya sa mga karumal-dumal na gawaing diumano’y nangyayari sa establisimyento ay isang kasinungalingan, mapanganib, at gawa ng mga desperado.
Kitang-kita naman ang tunay na layunin sa likod ng paninira sa pamilya Defensor. Ang gawa-gawang kaso ay lubos na mapaminsala. Gusto lang ligaligin si Cong. Mike.
Walang paraan para siya ay tibagin kaya ang kanyang mag-ina ang pinagdiskitahan. Napakawalanghiya, hindi ba?
Bilang asawa at ama, natural na siya ay masaktan dahil pamilya niya ang nais pabagsakin.
Garapal na nga sa pandarambong, ganito pa karumi kumilos ang gobyerno, gamit ang NBI, para patahimikin ang mga tumutuligsa sa mga kabulastugan nito.
Kung hindi napakapangit na galawang pulitikal, ano ang akmang maitatawag sa panggigipit na ito ng gobyerno? Sino pang kritiko ng gobyernong Marcos, Jr. ang isusunod sa pamilya Defensor?
Dapat maging mapanuri at magbantay ang publiko sa pangyayaring ito. Ang institusyon sa pagpatutupad ng batas ay kinakasangkapan para sa mga kasong pabor sa pulitika at sa pagtatakip ng mga iskandalo laban sa gobyerno. Karimarimarim!






