Home METRO 4 CAFGU sugatan sa salakay ng Dawlah Islamiyah

4 CAFGU sugatan sa salakay ng Dawlah Islamiyah

74
0

COTABATO CITY – Apat na miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ang nasugatan matapos salakayin ng mga hinihinalang Dawlah Islamiyah militants ang mga posisyong militar sa Datu Hoffer Ampatuan, Maguindanao del Sur nitong gabi ng Linggo, Abril 26.

Ayon kay Lt. Col. Ronald Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, tinatayang 10 miyembro ng Dawlah Islamiya–Hassan Group ang sabay na nanalakay sa Gogo outpost at patrol base ng 90th Infantry Battalion sa Barangay Labu-labu II bandang alas-11 ng gabi.

Magkalayo ng humigit-kumulang isang kilometro ang dalawang military position na kapwa nasa gilid ng national highway at dito nagkaroon ng sagupaan na tumagal ng humigit-kumulang isang oras.

Sinabi ni Suscano na iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung ang pag-atake ay ganti o diversionary tactic.

Tatlong Civilian Active Auxiliary (CAA) na nasa ilalim ng CAFGU ang nasugatan sa Gogo outpost, habang isa pa ang sugatan sa patrol base sa Labu-labu II.

Wala pang kumpirmasyon kung may nasawi sa panig ng mga armadong grupo.

Naganap ang insidente ilang oras matapos mapatay ang tatlong miyembro ng Dawlah Islamiyah sa isang operasyon ng militar sa Barangay Tuayan noong parehong araw. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here