GAANO kaya karaming pamilya ang matatamaan ng manaka-nakang brownout na magaganap dahil sa krisis sa presyo ng diesel?
Mismong ang National Power Corporation ang nag-anunsyo ng rotational brownout at tinutukoy nito ang nararanasan ng mga sakop ng maliliit na planta ng kuryente na Small Power Utilities Group kung tawagin.
Hindi konektado sa NGCP (National Grid Corporation of the Philippines) ang 272 SPUG sa 192 munisipyo sa 35 na lalawigan.
Sa Kabikulan lamang, may 23 SPUG gaya ng nasa ng Balongbong sa Catanduanes, Atulayan sa Camarines Sur; Calaguas sa Camarines Norte, Batan sa Albay; at Mababang Baybay sa Masbate.
Ang Napocor ang nag-aasikaso sa suplay ng diesel sa kuryente at sa katunayan, may pondong P6.886 bilyon sa taong ito para rito.
Sinabi ng Napocor na kulang na kulang ang pondo para masuplayan ng diesel ang lahat ng SPUG kahit pa sa halagang mahigit P74 bawat litro rito lamang.
Tiyak naman maraming ang apektado, mga brad, at iniisip natin ang pag-aaral ng mga bata, mga may sakit na nangangailangan ng kuryente upang mabuhay at mga naghahanapbuhay gamit ang kuryente.
Tiyak na magkandaloko-loko ang kalagayan ng lahat ng ito, lalo na kung magtatagal ang krisis sa presyo sa diesel.
Kung panahon ng halalan, naaalala ng mga politiko ang mga ito at panay ang pangako ng mga ito ng sapat na suplay ng kuryente.
Pero ang Napocor na mismo ang nagsasabing babalutin ng brownout ang daan-daang libo, kundi may milyong mamamayan, sa ilalim ng mga SPUG at tiyak nang magkakaproblema ang mga biktima.
Ang mga bata, bobobo; ang mga may sakit lalong magkakasakit; at ang mga negosyante, lalong magkakandalugi-lugi.
Sana naman, paabutin ang mga ayuda sa mga ito, lalo na ang tiyak na tuloy-tuloy na kuryente upang maging normal ang kanilang pamumuhay at lalaking may sapat na edukasyon ang mga bata at hindi kamangmangan, gagaling ang mga may sakit at uunlad ang nagsisikap na mabuhay gamit ang kuryente.






