IWANAN muna natin nang kaunti ang mga nagbabagang isyu sa pulitika at dumako tayo sa problema ng matinding El Nino na maaari umanong maganap sa huling tatlong buwan ng taong ito.
‘Yun bang === mga buwan ng Oktubre hanggang Disyembre.
Kung kailan tag-ulan at may matitinding bagyo sa mga buwang ito, siya naman ang pagsalakay ng El Nino na maaaring maging super sa tindi ng init.
At mismong ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang nag-anunsyo nito sa pagsasabing 92 porsyento na magaganap ito.
Mahalagang pag-usapan ito dahil buong bansa ang malalagay sa alanganin sa magiging kakulangan ng tubig na magbubunga ng napakalalaking problema, hindi lang sa tubig-inumin kundi maging sa agrikultura o produksyon sa pagkain.
ILANG PAGHAHANDA
Dahil sa anunsyo ng PAGASA, naghahanda na ang mga kompanya o konsesyonaryo ng tubig sa Metro Manila laban sa El Nino.
Halimbawa, sinabi mismo ng Maynilad na maaari nilang gamitin ang mga deepwell na pagmumulan ng suplay ng tubing kung kinakailangan at malamang na sasabay rito ang Manila Water.
Isipin na lang natin na mahigit 90% ng suplay ng tubig para sa buong Greater Metro Manila ang nanggagaling sa Angat Dam at mayroon din sa iba pa gaya ng Laguna de Bay.
Subalit dahil sa El Nino, malamang na makararanas ang Greater Metro Manila ng mga pangyayaring katulad ng rotational supply o meron sa wala na tubig mula sa mga faucet.
Sa mga pangyayaring ito, paano ang libo-libong pasyente sa mga ospital, milyon-milyong mag-aaral sa mga iskul, milyong obrero sa mga pabrika, kumakain sa mga restoran at iba pa na kailangang gumamit ng malinis na tubig?
Ang siyempre pa, ang lahat na dahil lahat dahil kailangan natin uminom, maglinis, maligo,maglaba at iba pa.
Paano nga kung manyaring higit na maraming pagkakataon na kulang o walang sapat kaysa meron?
TUBIG MAGMAMAHAL
Kagaya ng nagaganap sa langis, kung kulang ang suplay, maaaring may magtataas ng presyo ng tubig, gaya ng nakabote o nakaplastic na inumin.
Pati ang mga tubig na nirarasyon ng mga may deepwell at hindi kasali sa produksyon ng Maynilad at Manila Water ay maaaring magtaas din ng presyo, lalo na kung manatiling mahal ang langis na gamit sa transportasyon at delivery.
Nangangahulugang dagdag na gastusin ang papasanin ng lahat at taghirap pa naman.
PRODUKSYON NG PAGKAIN MASISIRA
Ngayon nga lang na matindi ang pagkasira ng mga pananim sa nagkakabitak-bitak at natutuyot nang mga taniman at sakahan ay masama na ang produksyon ng pagkain, tiyak na lalong maging masama ang produksyon kung kakambalan ng El Nino ang tag-init ngayon na mapanira sa agrikultura.
Kapag nasira ang produksyon sa pagkain, magmamahal din ang mga presyo nito dahil sa kakulangan ng suplay.
Paano kaya maghanda ang lahat sa triple malas na kakulangan ng suplay ng tubig, kakulangan ng produksyon sa pagkain at pagmamahal ng tubig at pagkain dahil sa krisis sa tubig?
Tanong lang: Makatutulong ba sa pagtitipid sa tubig kung minsan lang sa isang araw mag-toothbrush ang lahat o kaya’y maligo minsan lang sa loob ng isang linggo at magpunas-punas lang?






