MAYA’T maya pinag-uusapan ang World War 3 dahil sa mga giyerang Russia at Ukraine at United States-Israel at Iran.
Nadagdag pa ang giyera sa Mali na kinasasangkutan ng Russia laban sa France.
Posible umanong sumabog tungo sa World War 3 ang giyera sa Russia at Ukraine kung may papasok nang pormal na mga sundalo ng iba’t ibang kasapi ng North Atlantic Treaty Organzation sa loob ng Ukraine hindi lang para ipagtanggol ito kundi para labanan o sakupin na rin ang Russia o ilang bahagi nito.
O kung atakehin o sakupin ng NATO ang Kaliningrad na hiwalay na teritoryo ng Russia sa pagitan ng Poland at Lithuania.
US-ISRAEL VS IRAN
Posible rin umanong malaking dagdag-dahilan tungo sa World War 3 ang giyerang US-Israel laban sa Iran kung muling umatake ang US at Israel sa Iran.
Nagbanta ang Russia, kasama ang China at North Korea, na tuwiran na itong lalahok sa giyera kung mangyari ito at balak na sakupin ng mga sundalong Amerikano ang Iran na malapit na kaalyado ng Russia.
Bantad na ang katotohanang higit na interesado ang US na makuha at angkinin ang langis, kasama ang natural gas, ng Iran sa Venezuela style.
Sa Venezuela, binihag ng mga Kano si Venezuela President Nicolas Maduro saka nito kinuha ang langis ng nasabing bansa na may may pinakamalaking deposito sa buong mundo para pagkakitaan.
Kailangang sakupin nang pisikal ng mga Kano ang Iran at magtayo ng gobyernong pro-US bilang hakbang sa lubos na pagkontrol sa langis ng Iran na pang-apat na may pinakamalaking deposito sa buong mundo.
GIYERA RIN SA ASYA
May pangamba namang sasakupin ng China ang Taiwan sa anomang paraan, kabilang na ang paggamit ng pwersa.
Pero kasabay nito ang pagdurog na rin ng China sa mga tinatayuan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa mahal kong Pinas.
Kabilang sa EDCA sites ang Antonio Bautista Air Base (Palawan); Cesar Basa Air Base (Pampanga), Fort Magsaysay Military Reservation (Nueva Ecija), Mactan-Benito Ebuen Air Base (Cebu), Lumbia Air Base (Cagayan de Oro), Base Camilo Osias (Santa Ana, Cagayan), Lal-lo Airport (Lal-lo, Cagayan), Camp Melchor Dela Cruz (Gamu, Isabela), at Balabac Island (Palawan).
Kasabay na dudurugin ang EDCA sites dahil ginawa ang mga ito na lunsaran sa pag-atake ng US sa China sakaling kumilos ang huli para sakupin nang pwersahan ang Taiwan na itinuturing na isa nitong lalawigan.
Isa rin itong maaaring dahilan ng World War 3 na maaaring sumabay sa mga giyerang Russia-Ukraine at US/Israel-Iran.
MAGKANDARUROG-DURONG LAHAT
Kung mangyayari ang World War 3 o kahit ang giyerang US at China dahil lang sa problema sa Taiwan, anak ng tokwa, ano kaya ang mangyayari sa Pinas?
Hindi natin maiwasan na kung paano nagkakandadurog-durog ngayon ang mga bansang Russia, Ukraine, Iran, Israel at nadamay na rin ang Lebanon, maaaring madurog din ang EDCA sites.
Kung mini-missile, dino-drone at binoboma ang Moscow na kapital ng Russia, Kiev ng Ukraine, Tel Aviv ng Israel at Teheran ng Iran, malamang na pati Metro Manila ay mararanasan din nito.
Papayag ba tayong madamay, mapahamak at madurog sa digmaang ng ibang mga bansa?






