Home METRO Nanay, 4-anyos na anak tinadtad ng saksak ng 14-anyos sa Laguna

Nanay, 4-anyos na anak tinadtad ng saksak ng 14-anyos sa Laguna

53
0

MANILA, Philippines – Patay ang isang 32-anyos na babae at kaniyang 4-na-taong-gulang na anak matapos silang matagpuang tadtad ng saksak sa loob ng kanilang bahay sa San Pablo City, Laguna nitong Linggo ng gabi.

Sumuko naman sa mga awtoridad ang isang 14-anyos na lalaki na itinuturing ngayong Child in Conflict with the Law (CICL).

Ayon sa imbestigasyon ng Laguna Police Provincial Office, nakatanggap ng report ang San Pablo Component City Police Station bandang alas-11:50 ng gabi mula sa mga opisyal ng barangay hinggil sa isang babaeng natagpuang patay at isang sugatang bata na isinugod pa sa ospital ngunit kalaunan ay idineklarang dead on arrival.

Pagdating ng mga pulis sa bahay sa Patria Subdivision, Barangay Del Remedio, tumambad ang duguang katawan ng babae na may maraming saksak. Narekober din sa crime scene ang martilyo at kutsilyong pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang SOCO, isang duguang t-shirt ang narekober na nagbigay daan upang matukoy ang 14-anyos na suspek. Bandang alas-5 ng madaling araw ng Mayo 25, pinuntahan ng mga pulis ang bahay ng menor de edad.

Ayon sa mga awtoridad, inamin umano ng binatilyo sa kaniyang ina ang pagkakasangkot sa krimen kaya boluntaryo itong sumama sa Women and Children Protection Desk para sa karagdagang imbestigasyon kasama ang social worker.

Sinabi ni Laguna PPO Provincial Director PCol Sandro Tafalla na lumalabas sa kanilang imbestigasyon na nagtatrabaho umano ang menor de edad bilang errand boy ng pamilya sa kanilang paresan at bilyaran.

“May pagkakataon daw na siya ay pinagagalitan, pinapahiya sa mga kalaro habang naglalaro ng pool, at minsan pinagbibintangan pang kumukuha o nagnanakaw ng gamit sa tindahan,” ani Tafalla.

Ayon pa kay Tafalla, ang umano’y target ng CICL ay ang live-in partner ng biktima ngunit wala ito sa bahay nang mangyari ang insidente.

Nagising umano ang apat na taong gulang na bata habang nagaganap ang komosyon kaya nadamay rin sa pag-atake.

“Ngayon nung nangyayari yung commotion, nagising itong bata. Umiyak at nag-eskandalo kaya pinalo niya na rin hanggang sa nasawi,” pahayag ni Tafalla.

Patuloy pa ring sumasailalim sa forensic examination ang mga ebidensiyang narekober sa lugar.

Sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, walang criminal liability ang batang edad 14 pababa, ngunit sinabi ng pulisya na isasailalim pa rin sa proseso ng piskalya ang kaso.

“Since ang bata ay CICL, 14 years old, meaning walang criminal liability. But the criminal complaint and the case will still be referred to the prosecutor kung ano ang proper disposition ng fiscal dito,” ani Tafalla.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng City Social Welfare and Development Office ang menor de edad habang inihahanda ang intervention at rehabilitation programs para sa kaniya. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here