Home OPINION KAMBAL NA EL NIÑO AT SUPER TYPHOON

KAMBAL NA EL NIÑO AT SUPER TYPHOON

8
0

TOTOO kaya na sasalakayin ng magkakambal na El Nino at super bagyo ang Pinas magsimula sa buwang ito hanggang sa katapusan ng taon at ang El Nino ay tatagal hanggang sa unang mga buwan ng 2027?

Mismong ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang nagbababala ukol dito.

Ang tanong: Nakahanda na ba lahat ang pamahalaan, kasama ang mga local government unit, at mga mamamayan laban sa nakamamatay at mapanirang kambal na ito?

EL NINO SA SILANGAN, BAGYO SA KANLURAN

Sinasabing higit na tatamaan ng El Nino ang parteng silangan ng bansa at ng mga bagyo naman ang parteng kanluran.

Kung totoo ito, ano-ano na ang ating mga paghahanda?

Agrikultura o pagkain ang sinasabing higit na matatamaan ng magkakambal na sakuna.

Sa pagkatuyo ng mga lupain at pinagmumulan ng tubig na kailangan ng mga pananim dahil sa El Nino, ano-ano na ang mga paghahanda para labanan ang pagkasira ng pananim mula sa palay, gulay at iba pa?

Paano ang mga mangingisda, lalo na laban sa fish kill na nakaaapekto sa mga nag-aalaga sa fishpond at laban sa lason at polusyon mula sa mga tahanan at pabrika sa mga lawa gaya ng mga Lawa ng Laguna at Taal?

Paano ang mga malalaking sunog na posibleng maganap dahil sa init ng panahon sa mga kalunsuran at kabundukan na roon nagaganap ang mga forest fire?

Sa parteng kanluran na dadaluhungin ng mga malakas at super bagyo, paano pa rin ang mga magsasaka at mangingisda?

Alam naman natin kung paano nilulunod at winawasak ng mga baha at bagyo ang mga pananim at pangisdaan, maging ang pandaragat dahil nawawasak ang mga bangka.

At nariryan pa ang mga katakot-takot na landslide na nakamamatay at nakasisira rin.

IMPRASTRAKTURA

Sa El Nino, wala gaanong problema sa imprastraktura.

Ngunit sa tag-bagyo, naririyan ang mga pagkawasak ng mga tulay dahil sa naglalakasang mga baha, landslide at iba pa.

Naririyan din ang pagkawasak ng mga istruktura ng komunikasyon at elektrisidad, pagkawasak o pagkasira ng mga paaralan, tahanan at iba pang mga gusali.

Nakasisira o nakababagal ang lahat ng ito sa lahat ng hanapbuhay, kasama na ang transportasyon ng mga tao at kalakal.

GUTOM, PAGHIHIRAP

Sa ibang salita, mga Bro, bukod sa kalungkutang madadarama sa kamatayan dahil sa bagsik ng kalikasan, kapag nawasak ang mga ari-arian at hanapbuhay, may malilikha ring malawakang paghihirap at gutom.

Karaniwang nagtutulungan lahat ang mga mamamayan at non-government organization ngunit lumilitaw na may hangganan ang lahat ng ito at karaniwang pawang mga panandalian lamang.

Kapag nagtagal ang mga sakuna sa linggo, buwan at taon, diyan na kailangang pumasok ang pamahalaan.

Gaano na ba kahanda ang buong pamahalaan, kasama ang mga LGU, para tugunan ang pangangalangan ng mga mamamayan laban sa gutom at paghihirap?

Ang masasabi lang natin, kung merong trilyon-trilyong ninanakaw ng mga kawatan sa gobyerno taon-taon, anak ng tokwa, dapat higit dito ang ilalaan ng gobyerno sa mga mamamayan na siyang pinanggagalingan ng ikinabubuhay nito, maging ang laman-bulsa ng mga kawatan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here