Home OPINION YORME ISKO PLANONG IBALIK SERBISYONG MATAGAL NAWALA

YORME ISKO PLANONG IBALIK SERBISYONG MATAGAL NAWALA

2
0

ANG walang katapusang bangayan sa pulitika ay na tila naging pangunahing palabas sa social media kaya maraming mahahalagang usaping direktang nakaaapekto sa buhay ng karaniwang mamamayan ang halos hindi na nabibigyan ng pansin.

Isa na rito ang pagsasara ng ilang health center sa Lungsod ng Maynila na nagsilbing malaking dagok sa serbisyong pangkalusugan ng mga residente.

Kaya naman hindi nakapagtatakang madismaya si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso nang matuklasan niyang ilang health center ang isinara sa loob ng tatlong taon ng nakaraang administrasyon. Isa sa mga ito ang Aurora Health Center sa Distrito Dos, isang pasilidad na matagal nang naging takbuhan ng mga residente ng mahigit sampung barangay para sa libreng konsultasyon, gamot, at iba pang pangunahing serbisyong medikal.

Ayon kay Yorme, bahagi ng kanyang MBN (Minimum Basic Needs) policy ang pagbibigay-prayoridad sa kalusugan. Kaya nang malaman niyang matagal nang nakatiwangwang ang Aurora Health Center, agad niya itong ipinainspeksyon bilang unang hakbang sa muling pagbubukas nito.

Hindi lamang isang gusali ang Aurora Health Center. Sa loob ng mahigit limang dekada, naging mahalagang bahagi ito ng buhay ng komunidad. Bukod sa pagiging health facility, nagsilbi rin itong Day Care Center kung saan maraming batang Manilenyo ang unang natutong bumasa, sumulat, at mangarap para sa kanilang kinabukasan.

Ang epekto ng pagsasara nito ay hindi maliit na bagay. Daan-daang senior citizen, buntis, bata, PWD, at iba pang residente ang napilitang bumiyahe pa sa mas malayong Palomar Health Center sa Recto Avenue upang makapagpatingin. Para sa marami, dagdag gastos, dagdag pagod, at dagdag panganib ito lalo na sa panahon ng matinding init at tag-ulan.

Kaya naman sinalubong ng pag-asa ng mga residente ang balitang balak itong muling buksan.

Ang usapin ay hindi lamang tungkol sa isang pasilidad kundi sa pagbabalik ng serbisyong dapat ay hindi kailanman nawala. Sapagkat ang tunay na sukatan ng mabuting pamamahala ay hindi lamang ang pagtatayo ng mga bagong proyekto kundi ang pagpapanumbalik ng mga serbisyong malapit sa tao.

At para sa mga taga-Distrito Dos, ang muling pagbubukas ng Aurora Health Center ay isang hakbang tungo sa pagbabalik ng malasakit sa komunidad.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here