GAANO nga ba tayo kahanda laban sa lindol, lalo na sa malalakas gaya ng nangyari sa Mindanao kamakailan at Cabanatuan-Baguio noong 1990 na may magnitude na 7.8 at sa Bohol noong 2023 na may magnitude 7.2?
Partikular na katanungan ito lalo na sa Mega Manila na posibleng atakehin anomang oras ng magnitude 7.2 o mas malakas pa at higit na mapanira dahil napakababaw lang ang panggagalingan nito kumpara sa malalalim na pinagmulan ng nasabing mga lindol.
Sakop ng magnitude 7.2 lindol pataas mula sa West Valley Fault ang Mega Manila mula sa Bulacan at Rizal, tatawid sa Metro Manila, hanggang sa Cavite at Laguna.
KATANUNGAN MAHALAGA
Napakahalaga ang katanungan dahil lumilitaw na napakarami ang hindi handa sa kabila ng mga praktis nang naisasagawa sa nakalipas ng mga dekada makaraan ang nasabing malalakas na lindol.
Marami pa rin ang namamatay, nasusugatan, nawawala o missing, gumuguhong mga gusali at kalupaan at iba pa.
Ano-ano nga kaya ang malalaking pagkukulang sa ating mga paghahanda?
LRT, MRT, SKYWAYS
Kahapon, tinalakay natin ang milyon-miyong mag-aaral na posibleng nakataya ang buhay, lalo na sa parte ng mga menor-de-edad na madaling mawalan ng loob habang lumilindol at mga nasa matatayog na gusaling pampaaralan.
Ngayon naman, paano kung tatama ang lindol sa kasagsagan ng pagsakay ng daang libo sa sanga-sanga nang mga Light Railway Transit, Metro Rail Transit at pagbiyahe rin ng libo-libo sa elevated exressways o skyways?
Nasaan ang emergency services kapag may mga gumuho sa mga ito, magsilundagan ang mga tren, bus at kotse palabas sa kanilang mga riles o daanan?
Nasaan ang mga nakahandang mga bumbero laban sa sunog, mga sasakyang magdadala nang mabilis ng mga biktima patungo sa mga pagamutan, mga paraan para mapangibabawan ang problema sa pagliligtas gaya ng pagbitak ng mga kalsada, pagguho ng mga tulay, pagbara sa mga kalsada ng gumuhong gusali o lanside?
SIMBAHAN, MALL, CONDO
Sa lindol sa Bohol, kabilang sa mga agad gumuho ang mga simbahan habang sa ibang mga lugar, mga business establishment gaya ng mall at restaurant.
Paano ang mga condominium na puno ng mga residente at iba pang katulad ng mga ito na puno ng mga empleyado?
Kapag nasira ang mga fire exit, elevator at escalator sa matataas na gusali, nasaan o ano-ano ang mga alternatibong gagawin para makababa ang mga biktima nang ligtas?
Sa isang pangyayari, nakakita na tayo ng mga biktima na kayang magdugtong ng mga bedsheet na babaan ng mga tao sa mga condominium, pero paaano ang mga nag-oopisina lang na walang ganyan na mga bagay gaya ng nasa mga gusali ng bangko, BPO, call center at iba pa?
MALAWAKAN, MALALIMANG PRAKTIS
Ayon mismo sa Office of Civil Defense, kailangan ang mga praktis.
At sa praktis, matutunan din ng mga tao hindi lang ang mga ordinaryong paraan gaya ng duck, cover and hold on kundi tumingin ng mga bagay na puwede nilang gamitin sa paglabas ng mga gusali.
At makapagpundar ng mga gamit na panligtas sa pinakagipit na kalagayan bago pa may makarating na mga tulong mula sa emergency responders.






