Home OPINION PAMAMARIL SA PAARALAN SA TACLOBAN, PAIIMBESTIGAHAN SA SENADO NI HONTIVEROS

PAMAMARIL SA PAARALAN SA TACLOBAN, PAIIMBESTIGAHAN SA SENADO NI HONTIVEROS

6
0

NAKABABAHALA ang sunod-sunod na insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga kabataang estudyante sa loob mismo ng mga paaralan na dapat sana ay ligtas na lugar para sa pag-aaral at paghubog ng kinabukasan ng ating kabataan.

Kamakailan lamang ay napaulat ang magkahiwalay na insidente sa Cavite City at General Trias City kung saan mga estudyante rin ang sangkot sa pananaksak sa loob ng paaralan. Bagama’t walang nasawi sa mga naturang pangyayari, ilang mag-aaral ang nasugatan at nagdulot ito ng matinding pangamba sa mga magulang, guro, at buong komunidad.

Ngunit higit na nakagigimbal ang nangyaring pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City kung saan dalawang kabataang lalaki ang umano’y namaril sa loob ng silid-aralan. Tatlong estudyante ang nasawi habang pito pa ang sugatan. Isang trahedyang hindi inaasahang mangyayari sa loob ng isang institusyong dapat ay nagsisilbing kanlungan ng kaalaman at kaligtasan.

Dahil dito, mabilis na kumilos si Senadora Risa Hontiveros at inihayag na magsasagawa ang kanyang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality ng pagdinig sa Hulyo 1, 2026 upang imbestigahan hindi lamang ang insidente sa Tacloban kundi maging ang lumalalang banta ng online radicalization sa mga kabataan.

Ayon sa senadora, kailangang alamin kung may papel ang mga online platforms sa pagkalat ng mararahas na ideya at kung nagagamit ang mga ito upang impluwensyahan at i-radicalize ang mga kabataan. Matatandaang sa mga nakaraang pagdinig ay lumitaw ang mga ulat na ginagamit ang ilang online platforms at gaming spaces hindi lamang sa pagpapalaganap ng karahasan kundi maging sa online sexual abuse, exploitation, grooming, at extortion ng mga bata.

Bagama’t wala pang sapat na ebidensyang direktang nag-uugnay sa mararahas na online games at pelikula sa mga krimeng ito, hindi rin maikakailang malaki ang impluwensiya ng digital content sa pag-iisip at pag-uugali ng mga kabataan. Kaya nararapat lamang na masusing pag-aralan ito ng mga kinauukulan.

Panahon na upang kumilos ang pamahalaan, mga paaralan, mga magulang, at mga online platforms upang mapigilan ang paglaganap ng karahasan. Hindi dapat hintayin ang susunod na trahedya bago gumawa ng hakbang. Ang bawat batang pumapasok sa paaralan ay may karapatang makapag-aral nang ligtas at makauwi nang buhay sa kanilang pamilya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here