MANILA, Philippines — Isinusulong ng Department of Justice ang bagong batas laban sa nihilistic violent extremism o NVE, dahil hindi umano sapat ang kasalukuyang legal framework ng bansa para tugunan ang naturang banta.
Kasunod ito ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, Leyte.
Sa press conference nitong Huwebes, sinabi ni DOJ Undersecretary Nicholas Ty na dapat maging komprehensibo ang batas laban sa NVE at kilalanin nitong nangyayari rin sa Pilipinas ang ganitong problema.
“‘Yung NVE na term na ‘yan, ginagamit ‘yan sa US, at saka Australia, at sa Canada. Pero sa ibang jurisdiction, iba ‘yung term nila, parang nihilist extremist violence naman. Small difference but it makes a world of difference in terms of the focus of the law, the focus of the jurisdiction,” paliwanag ng undersecretary.
Iminungkahi ni Ty na dapat ding lumikha ang batas ng isang inter-agency body na magbabantay at tututok sa isyu.
Ayon kay Ty, mas mainam kung magkakaroon ng batas na partikular para sa NVE, na hindi lamang magpaparusa rito bilang krimen kundi titingin din sa iba pang aspeto gaya ng proteksyon sa mga bata, koordinasyon sa ibang bansa, at iba pang usaping kaugnay ng NVE.
Tiniyak din ni Ty sa mga mambabatas na handang tumulong ang DOJ sakaling magpasa sila ng batas laban sa NVE.
Habang wala pang bagong batas, sinabi ni Ty na maaaring gamitin ang mga umiiral na batas upang papanagutin ang mga sangkot sa NVE. Kabilang dito ang Anti-Cybercrime Act, Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act, at Revised Penal Code.
Dagdag pa ni Ty, maaari ring tingnan ang Anti-Terrorism Law, lalo na kung may mass casualty na sangkot.
Bilang miyembro ng Anti-Terrorism Council, sinabi ng DOJ na pag-aaralan nito kung paano makatutulong ang konseho sa paglaban sa NVE at kung paano ito hinaharap ng ibang bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden