MANILA, Philippines – BINAWI na ng Department of Agriculture (DA) ang moratorium sa reclassification ng agricultural land, nagbukas ng mas maraming espasyo para sa bagong ‘commercial, industrial at infrastructure developments’
Sa ilalim ng Department Circular No. 32, ipinagpatuloy na ng DA ang proseso ng aplikasyon para sa conversion o kombersyon ng agricultural land kasunod ng limang buwan na suspensyon.
Pinahinto ng Department of Agriculture (DA) ang reclassification application ng mga bukid at iba pang taniman para mapangalagaan ang mga lupang pang-agrikultura habang pinag-aaralan ng pamahalaan kung paano ito hihigpitan.
Ipinatupad ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang moratorium sa pamamagitan ng Department Circular No. 1 na inilabas noong Enero 5, kaya agad na itinigil ng ahensiya ang pagtanggap at pagproseso ng mga aplikasyon para sa Land-Use Reclassification Certification at tatagal ito hanggang Hunyo 2026.
Ipoproseso pa rin ng Department of Agriculture ang mga aplikasyong na naisumite bago ipatupad ang freeze pero hindi nito aaksyunan ang mga apila habang may moratorium pa.
Ipinatupad ng DA ang moratorium dahil sa tuloytuloy na land conversion at pangambang hihina ang produksyon ng pagkain kaya mas marami ang kakailanganing angkating bigas at magiging bihag ang bansa ng foreign suppliers.
Iniuugnay ng DA ang pansamantalang paghinto sa mas malawak nitong pagtutulak sa 2026 para palakasin ang food security, kasabay ng mga hakbang na sinabi nitong magpapalakas sa supply chains, magpapahusay sa farm infrastructure, at magtataas ng farm productivity.
Sa panahon ng suspensyon, pinulong ng DA ang technical working group para rebisahin at i-update ang mga guidelines sa pagpapalabas ng DA certification sa land use reclassification.
Sa kabilang dako, exempted naman ang ilang proyekto mula sa moratorium, gaya ng renewable energy, government socialized housing projects at agro-industrial zones.
Samantala, sinabi naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na magpapalabas ang DA ng updated guidelines, subalit hindi naman siya nagbigay ng anumang karagdagang detalye. KRIS JOSE