MANILA, Philippines – Nagsimula na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpaplano ng pagtatayo ng Space Center na target mabuo pagsapit ng 2028. Ito ang magiging unang hakbang sa pagbuo ng Space Command o kalaunan ay Space Force.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pondo para sa proyekto, bagama’t hindi ibinunyag ang halaga. Layunin nitong magkaroon ang bansa ng sariling military satellite capability.
Sinabi ni Brawner na magsisimula muna ang AFP sa isang maliit na Space Center bago ito palawakin sa Space Command o Space Force.
Bahagi ito ng modernisasyon ng AFP upang mapalakas ang external defense, maritime domain awareness, at paggamit ng space technology sa operasyon ng militar.
Ayon kay Brawner, mahalaga ang satellite technology para sa Intelligence, Surveillance, and Reconnaissance (ISR) o “eye in the sky” upang mabantayan ang mga nangyayari sa lupa at karagatan; at mas mahusay na komunikasyon, command and control, at koneksyon ng missile, drone, at iba pang military systems.
Sinabi rin niyang nagsimula ang proyekto matapos tanungin ni Pangulong Marcos sa AFP command conference noong Disyembre 2025, “Why don’t you have your own satellites?” Mula rito ay sinimulan ng AFP ang pagpaplano.
Makikipagtulungan ang AFP sa Philippine Space Agency (PhilSA), na mayroon nang geostationary satellite. Plano naman ng AFP na magsimula sa low-orbit satellites na ikokonekta sa mga umiiral na satellite systems. RNT/MDS