HINDI kaya totoo na kaya tinitibag o tinitigbak nang husto si VP Sara Duterte sa impeachment ay dahil walang magawa ang iba na gibain siya sa halalang presidensyal sa 2028?
Tingnan natin ang huling nagaganap sa surveys, mga brad.
Sa usaping pagtitiwala kina VP Sara at Pangulong Bongbong Marcos, malayo ang pagitan ng dalawa.
Sa Pulse Asia, may nagtitiwala na 28% ng bawat 100 Pinoy habang 51% ang walang tiwala at kung ibabawas ang 28% sa 51%, nakupo, nakabaon ito sa ilalim ng lupa.
Sa parte ni VP Sara, may nagtitiwala sa kanya na 58% habang 27% lang ang walang tiwala.
Sa Social Weather Station, may satisfied o happy na 38% kay PBBM habang may 45% ang hindi happy at kapag ibinawas ang hindi happy sa mga happy, lunod din siya sa baha.
Kay VP Sara naman, may 58% ang happy habang 26% ang hindi happy good pa rin ang grado niya at nakataas siya sa lupa at baha.
Ngayon naman, sinarbey rin ng Pulse Asia ang mga posibleng kakandidatong Pangulo sa halalang 2028.
Nasa 49% ang may gustong mag-Presidente siya habang nakakuha ng 26% si dating VP Leni Robredo at 14% naman si Senador Raffy Tulfo.
Itong sina Robredo, Tulfo at iba pa ang posibleng kandidato umano ni PBBM sa 2028.
Sabi nila, hintayin natin ang resulta ng impeachment trial para malaman talaga ang damdaming bayan sa presidential elections 2028.
Maaaring magkaroon ng pagbabago lalo’t tuloy-tuloy ang pagbakbak at pagtibag kay VP Sara.
Ngunit magigiba o matitibag kaya siya sa puso’t diwa ng mga tao?
Baka naman ang remedyo na lang ay tigbakin, tibagin at gibain siya sa impeachment sa pagdedeklara sa kanya na guilty sa mga paratang upang madiskwalipika sa pagiging kandidato, mapagbawalang manungkulan sa gobyerno at makulong siya makaraan ang impeachment.
Pisting yawa, uy!






