TACLOBAN CITY — Arestado ang isang 31-anyos na sundalo ng Philippine Army matapos umanong magpaputok ng baril sa gitna ng isang pagtatalo na ikinasugat ng dalawang bystander sa Catbalogan City, Samar noong Martes ng gabi.
Kinumpirma ng 8th Infantry Division (ID) na nasa kustodiya na ng Philippine National Police ang sundalo at tiniyak ang buong pakikipagtulungan sa imbestigasyon.
“The 8th ID does not tolerate criminal acts committed by its personnel,” pahayag ng dibisyon.
Magsasagawa rin ang 8th ID ng sariling imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan at maipataw ang nararapat na parusa alinsunod sa Articles of War at military regulations.
“We reaffirm our commitment to ensuring that justice is served and that the trust and confidence of the people in the Armed Forces of the Philippines are preserved,” dagdag ng 8th ID.
Ayon sa Police Regional Office-8, naganap ang insidente sa Diversion Road, Purok 1, Barangay 13 dakong alas-6 ng gabi.
Kinilala lamang ang suspek sa alyas na “Tep,” residente ng Motiong, Samar. Dumating umano siya sa lugar sakay ng motorsiklo at sinasabing nasa impluwensiya ng alak.
Sinabi ng pulisya na ang target ng suspek ay ang 26-anyos na construction worker na alyas “Jim,” na hindi nasugatan. Nagsimula umano ang pagtatalo nang sabihan ni Jim ang sundalo na ayusin ang pagkakaparada ng kanyang motorsiklo.
Nagalit umano ang suspek, bumunot ng baril at tatlong beses na pinaputukan si Jim ngunit hindi ito tinamaan. Gumanti si Jim ng suntok, dahilan upang matumba ang sundalo.
Habang tumatakas, dalawang beses pa umanong nagpaputok ang suspek patungo kay Jim ngunit muli itong hindi tinamaan.
Tinamaan naman ng ligaw na bala ang dalawang residente na kinilalang sina alyas “Ray,” 19-anyos na construction worker, at alyas “Rod,” 58-anyos na laborer. Dinala sila sa Samar Provincial Hospital para sa gamutan.
Isinuko ng mga residente ang suspek sa mga rumespondeng tauhan ng Catbalogan City Police, Regional Scene of the Crime Operatives Unit-8 at Police Intelligence Unit ng Samar police. Mary Anne Sapico