Home METRO Sanggol na dinukot sa Laguna, nabawi sa Rizal; babae arestado

Sanggol na dinukot sa Laguna, nabawi sa Rizal; babae arestado

1
0

CABUYAO CITY, Laguna — Arestado ang 51-anyos na babae matapos umanong dukutin ang pitong buwang gulang na sanggol na lalaki mula sa isang shopping mall sa Cabuyao City, Laguna.

Ligtas na nabawi ng mga awtoridad ang sanggol makalipas ang wala pang 24 oras sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal, at muling naibalik sa kanyang ina.

Ayon sa pulisya, inimbitahan ng suspek ang dati niyang kapitbahay na si Joan Fe Gombio at ang anak nito na mananghalian sa isang fast-food restaurant sa loob ng mall noong Lunes ng umaga.

Habang kumakain, inalok umano ng suspek na kargahin ang umiiyak na sanggol upang matapos ni Gombio ang kanyang pagkain.

“Noon tapos na ako kumain tulog na po yung anak ko kaya hindi ko na naisipan kunin ang anak ko para hindi po maistorbo ang tulog,” sabi ni Gombio.

Matapos mananghalian, inalok umano ng suspek na bilhan ng diaper ang bata. Sinabi nitong pagod na siyang maglakad kaya pinapunta niya nang mag-isa si Gombio sa supermarket habang siya ang naiwan na karga ang natutulog na sanggol.

“Sabi niya bilhan muna kaya natin ng diaper yung anak mo. Noong una tinanggihan ko kasi sabi ko nakakahiya, nilibre na nga po kami ng pagkain. Sabi niya sige na kunin mo na ito para hindi ka na pabalik-balik sa tindahan. Tinanggap ko na po,” paggunita ni Gombio.

Pagbalik ng ina, wala na ang suspek at ang kanyang anak. Agad siyang humingi ng tulong sa mga security guard ng mall ngunit hindi nila natagpuan ang dalawa.

Makikita sa CCTV footage na inilabas ng suspek ang sanggol mula sa mall, tumawid sa kalsada at sumakay ng pampasaherong jeep.

Hinanap ni Patrolman Ray Christian Naval, investigator ng Cabuyao City Police Station, sa internet ang mga kamag-anak ng suspek at nakontak ang isa sa mga anak nito. Kinumpirma nitong nasa kanilang bahay sa Montalban, Rizal ang sanggol.

Nagtungo sa Rodriguez noong Martes ang mga pulis at social worker, kung saan ligtas nilang nabawi ang bata at inaresto ang suspek.

Naniniwala ang mga imbestigador na balak ng babae na angkinin at palakihin ang sanggol bilang sarili niyang anak at dalhin kalaunan sa Bataan.

“Parang gusto niyang gawing anak, kung hindi napaaga ang responde ng Cabuyao police ay dadalhin niya sa Bataan ang bata,” ani Naval.

Sa panayam ng ABS-CBN News, inamin ng suspek na pinagplanuhan niya ang pagdukot. Balak umano niyang ipakilala ang sanggol sa kanyang live-in partner na nagtatrabaho sa Tarlac at sabihing anak nila ito.

Sinabi ng suspek na nakunan siya at nawalan ng dinadalang sanggol noong unang bahagi ng taon. Humingi siya ng tawad sa mga magulang ng bata at nakiusap na bawiin ang reklamo, iginiit na hindi niya balak ibenta ang sanggol kundi palakihin ito bilang sariling anak.

Iginiit naman ni Gombio na itutuloy niya ang kaso.

Nakakulong ang suspek sa Cabuyao City Detention Facility at nahaharap sa mga kasong Other Forms of Kidnapping at Failure to Return a Minor. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here