TINITIYAK ng Manila Water Company, Inc. ang patuloy at maasahang 24/7 na serbisyo ng tubig para sa higit 7.9 milyong kustomer sa East Zone sa tulong ng kanilang diversified supply network na binubuo ng tatlong pangunahing water systems.
Sa kabila ng mga banta ng El Niño, pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam, at tumataas na demand sa mga komunidad, malaki ang naging tulong ng mga pangkalahatang pamumuhunan ng Manila Water sa mga sumusunod na pasilidad:
1. ANGAT-LA MESA WATER SYSTEM
Mananatiling pangunahing pinagmumulan ng tubig sa Metro Manila. Upang mapanatili ang sapat na daloy ng tubig sa Angat Reservoir, nakipagtulungan ang Manila Water sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa mga kritikal na proyekto tulad ng Sumag River Diversion Project at rehabilitasyon ng Umiray-Angat Transbasin Project.
2. LAGUNA LAKE WATER SYSTEM
Ito ang karagdagang pinagkukunan ng tubig mula sa Laguna de Bay upang bawasan ang labis na pag-depende sa Angat Dam:
Cardona Water Treatment Plant (100 MLD): Naglilingkod sa humigit-kumulang 800,000 kustomer sa Rizal at mga karatig-pook.
East Bay Water Supply Project (₱16.5 Bilyon):
Phase 1 (50 MLD): Kasalukuyang nagpapadaloy ng tubig sa 390,000 kustomer sa silangang Rizal.
Phase 2 (200 MLD): Nakatakdang matapos ngayong taon para magsilbi sa humigit-kumulang 2 milyong kustomer sa Pasig, Pateros, Taguig, at ilang bahagi ng Rizal.
3. ANTIPOLO WATER SYSTEM
Tumataguyod sa lumalaking pangangailangan sa tubig sa buong lalawigan ng Rizal sa pamamagitan ng Wawa-Calawis System at ng nakuha nitong Upper Wawa Dam (710 MLD):
Calawis Water Treatment Plant (80 MLD): Nagbibigay na ng tubig sa humigit-kumulang 900,000 kustomer sa Antipolo City at mga kalapit-lugar.
Kaysakat Water Treatment Plant (220 MLD): Inaasahang matatapos din ngayong taon mula sa tubig ng Upper Wawa Dam upang maghatid ng dagdag na suplay sa humigit-kumulang 1 milyong residente sa Antipolo at mga karatig-bayan.
“Dahil sa epekto ng malakas na El Niño at sa pressure na idinudulot nito sa ating mga tradisyunal na pinagkukunan ng tubig, ang aming diversified supply systems ay nagbibigay ng mas malaking tibay at kakayahang matugunan ang pangangailangan ng ating mga kustomer. Ang mga estratehikong pamumuhunang ito ay nagtitiyak na ang mga komunidad sa East Zone ay patuloy na makakatanggap ng malinis at maaasahang serbisyo ng tubig,” ayon kay Dittie Galang, Corporate Communications Group Head ng Manila Water






