Home OPINION PBBM BINUDOL SA MGA TULAY SA SONA

PBBM BINUDOL SA MGA TULAY SA SONA

4
0

ANG mga nasirang tulay — sa…Cabagan-Sta. Maria sa Isabela, Piggatan sa Cagayan…ay kaagad nating naayos at ngayo’y nagagamit nang muli.

Ito ang mga pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang State of the Nation Address 2026.

Magandang pakinggan, mga Bro.

Pero hindi kaya budol-budol lang ito?

PAG-INTINDI NG TAUMBAYAN

Sa pag-intindi ng mga tao sa pahayag na ito, kompleto na ang repair o kaya’y pagtatayo ng buong tulay.

Kaya anomang uri ng sasakyan at at lahat ng oras kung tutuusin, pwede nang dumaan sa mga tulay na ito.

Subalit kung pupuntahan mo ang mga tulay na ito, hindi totoo ang pahayag sa SONA.

Kaya hindi tuloy malaman kung binudol-budol lang ng mga taga-Department of Public Works and Highways ang Pangulo.

Hindi tuloy mapipigilan ang iba na magsabing sinungaling ang Pangulo.

TEMPORARYONG BAKAL, DETOUR BRIDGE

Itong bagong Sta. Maria-Cabagan Bridge, eh, bumagsak ang isang span nito noong Pebrero 27, 2025 nang dumaan ang 102 toneladang truck sa kabila ng kapasidad lamang nito na 45 tonelada.

Ang Piggatan Bridge naman, bumagsak nang buo, 55 metro ang haba, noong Oktubre 6, 2025 makaraang dumaan ang tatlong truck na kargang 50 tonelada samantalang 18 tonelada lang ang kaya nito.

Isang taon at limang buwan nang sira ang Sta. Maria-Cabagan Bridge ngunit hindi pa nagagawa kundi nilagyan lang ng temporaryong bakal para sa maliliit na sasakyan at binuksan lang ito nitong Marso 2. 2026.

Ang Piggatan Bridge, tatlong buwan na lang, mag-iisang taon na rin at detour bridge lang ang nagawa.

Kung maalaala, ininspeksyon mismo ng Pangulo ang Cabagan–Santa Maria Bridge noong Marso 6, 2025 at ang Piggatan Bridge naman noong Enero 8, 2026.

NAPAKABAGAL NA PAGGAWA AT MGA PROBLEMA

Ano-ano kaya ang mga problema sa paggawa at epekto nito?

Napakahalaga ang mga tulay na ito hindi lang para sa mga biyaherong tao kundi para sa negosyo na gumagamit ng mabibigat at malalaking truck gaya ng 18 wheeler.

Kaya mananatiling matumal ang mga biyaheng tao at kalakal kung hindi maaksyunan sa tamang panahon ang paggamit ng mga tulay na ito.

Pahirap din maging sa pamahalaan na nanininingil ng buwis mula pagkapanganak ng tao hanggang sa makalipas ang kanyang kamatayan, gaya ng paniningil ng estate tax at burial tax.

Kaya, kailangan na talagang gawin nang buo ang mga ito at gawing nang makayanang bumalikat ng mahigit 100 tonelada.

Bahagi ito ng pag-unlad ng bansa.

PONDO, PINAKAMALAKING PROBLEMA?

Dahil mahigit nang isang taon ang Sta. Maria-Cabagan Bridge na nasira at kasalukuyan ginagawa o pinapalitan ang nasirang span, ipagpalagay na nating meron na itong sapat na pondo.

Ngunit itong Piggatan Bridge, maaaring mapondohan pa lang mula sa taong 2027.

Kung pondo ang pinakamalaking problema at meron na sa Sta. Maria-Cabagan Bridge, aba, dapat bilisan ang paggawa rito, gayundin ang Piggatan Bridge.

Isipin ninyo, mga Bro, ang nasirang Sta. Maria-Cabagan Bridge span ay 60 metro lamang at halos kapareho nito ang 55 metrong Piggatan Bridge.

Sa abanteng teknolohiya at napakaraming materyales na pupwedeng gamitin, dapat matapos ang mga ito nang mabilis para hindi magmukhang sinungaling ang Pangulo at giginhawa naman ang taumbayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here