Home OPINION DOLE: WORKING PERMIT KAILANGAN SA 15 Y/O & BELOW SA ONLINE CONTENT...

DOLE: WORKING PERMIT KAILANGAN SA 15 Y/O & BELOW SA ONLINE CONTENT AT ENTERTAINMENT

2
0

NAGPALABAS ng mahigpit na paalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer, advertiser, content creator, at mga magulang na kailangan munang kumuha ng opisyal na work permit ang mga batang may edad 15 pababa bago sila lumahok sa anumang pampublikong aliwan o impormasyon, kabilang ang telebisyon, teatro, mga patalastas, social media, at iba pang online platforms.

Sa inilabas na Labor Advisory No. 12, Series of 2026 na nilagdaan ni Labor Secretary Francis N. Tolentino noong Hulyo 31, nilinaw ng ahensya na ang probisyon ng Republic Act No. 9231, o ang batas na nagbibigay-proteksyon sa mga nagtatrabahong bata, ay hindi lamang nag-aaplay sa mga tradisyunal na media kundi pati na rin sa mga digital platform kung saan gumagawa o lumalabas ang mga bata sa content.

Sa ilalim ng umiiral na batas, pangkalahatang ipinagbabawal ang pagtatrabaho ng mga batang wala pang 15 taong gulang. May dalawa lamang itong eksepsyon: kapag ang bata ay direktang nagtatrabaho sa ilalim ng solong pananagutan ng kaniyang magulang o legal guardian at tanging pamilya lamang ang empleyado, o kapag ang partisipasyon ng bata sa pampublikong aliwan ay lubhang kinakailangan. Sa dalawang pagkakataong ito, kinakailangan pa ring makakuha ng permit mula sa DOLE bago masimulan ang anumang gawain.

Ipinaliwanag sa advisory na ang “public entertainment or information” ay sumasaklaw sa mga artistiko, literary, at kultural na pagtatanghal na ipinapamahagi sa telebisyon, radyo, sinehan, theater, print, at internet. Kabilang din dito ang mga inilalabas sa streaming platforms, social media, vlogs, digital ads, web series, podcasts, at educational content.

Ayon sa DOLE, pananagutan ng mga magulang o legal guardian na tiyaking nasusunod ang mga alituntunin ng batas. Ang mga employer naman ay obligado ring sumunod sa mga probisyon ng RA 9231 na nagbabawal sa pinakamalalang anyo ng child labor, nagtatakda ng limitasyon sa oras ng trabaho, at nagpoprotekta sa kita at karapatan ng bata sa edukasyon, kalusugan, at pagsasanay.

Ang direktibang ito ay nagpapatibay sa patuloy na pagsisikap ng administrasyong Marcos na palakasin ang proteksyon at kapakanan ng mga kabataan. Hinikayat din ng DOLE ang publiko na agad i-report sa kanilang tanggapan o sa kinauukulan ang anumang hinala ng paglabag sa batas upang agad na maaksyunan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here