SINUSUBAYBAYAN natin ang mga galaw ng Office of the Ombudsman o OMB at Sandiganbayan ukol sa mga isinasampang kaso ng una sa huli.
Klarong nakatagpo ng katapat ang OMB at ang Sandiganbayan ito.
Halimbawa, nitong Hulyo 31, 2026, pinalaya sa P1 milyong piyansa ng Sandiganbayan si dating Senador Bong Revilla sa kaso nitong malversation at graft na isinampa ng OMB.
Makaraan lang ng apat na araw o nitong Agosto 3, hinarang ng Sandiganbayan ang kahilingan ng OMB na huwag nang isama si dating Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan sa kasong sabwatan o conspiracy sa plunder at graft.
Parehong mabibigat ang mga kasong isinampa ng OMB sa dalawa at walang piyansa.
Gayunman, sinabi ng Sandiganbayan na mahina ang ebidensya laban kay Revilla kaya pansamantala itong pinalaya sa bisa ng piyansa.
Katwiran naman ng Sandiganbayan sa kaso ni Bonoan, kung palalayain at gagawin nitong state witness si Bonoan at tetestigo pa laban pa sa kapwa niya akusado na isang senador, magkakaroon ng napakahalaga o material na pagbabago sa information o sumbong na makaaapekto sa pananagutang kriminal ng senador, lalo’t na-arraign na ito.
Malalabag ang napakahalagang karapatan ng senador na magkaroon ng kaalaman kung ano talaga ang kasong isinampa sa kanya upang maipagtanggol nito nang tama ang sarili.
Gayunman, sinabi ng Sandiganbayan na pupwede pa ring ang mosyon ngunit sa ibang panahon at pupwede namang maging testigo si Bonoan sa gitna ng paglilitis.
Sa gitna ng mga pangyayaring ito, bigla nating naalala ang pagpapawalang-saysay ng Sandiganbayan sa isinampang kaso ng OMB na pagbawi sa tagong yaman o forfeiture case ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2022 na naging pinal at executory noong 2023.
Sinibak ng Impeachment Court si Corona sa pwesto batay sa Article 2 na nagsabing may tagong yaman ito habang na-dismiss lahat ang kaso niyang kriminal sa pagkamatay niya noong 2016






