Home OPINION PR O PROTEKSYON?

PR O PROTEKSYON?

2
0

PAKUROT nga sa isang lungsod sa National Capital Region. Kapansin-pansin na yata ngayon na tila mas makapangyarihan pa ang mga barangay sa isang lungsod ng NCR kaysa sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas.

Happy birthday muna sa aking 2nd born child na si Engr. Emmanuelle John Bascuguin, happy birthday din sa aking apo na si Achilles Matteus Fernandez, at Happy belated Birthday sa aking isa pang apo na si Rico Elijah Bascuguin Limboc. Magblow-out kayo.

Kung totoo ang mga impormasyong lumulutang, bakit kailangan pang dumaan sa barangay ang isang pre-operation bago maisilbi ang search warrant laban sa mga hinihinalang iligal na negosyo, lalo na kung ang target ay malalaking bodega o establisimyentong pag-aari ng mga dayuhan?

Kung may katotohanan ang ganitong sistema, hindi ba’t nawawala ang elemento ng sorpresa na siyang mahalaga sa anumang law enforcement operation? Sa oras na may dagdag na hakbang na maaaring pagmulan ng impormasyon, hindi malayong magkaroon ng “timbre” sa target. Kapag nangyari iyon, sino ang talo? Ang batas. At sino ang panalo? Ang mga dapat sana’y nahuhuli.

Mas nakababahala ang mga usap-usapan na maging ang ilang opisyal ng lokal na pulisya ay tila nakatali ang kamay dahil sa umiiral na sistema. Ayon sa ilang kwento, may mga negosyanteng napipilitang magbigay ng lingguhang “proteksyon” upang makaiwas sa problema, iligal man o ligal ang kanilang negosyo. Kung ito ay walang katotohanan, marapat lamang na malinaw itong pabulaanan sa pamamagitan ng konkretong aksyon at masusing imbestigasyon.

Hindi rin lingid sa kaalaman ng marami ang mga alegasyong may isang retiradong opisyal ng pulisya na umano’y namamahala sa ilang iligal na operasyon. Marami mang tumatanggi habang nasa puwesto, tila nagiging mas malaya silang magsalita kapag wala na sila sa serbisyo. Bakit huli na lumalabas ang kanilang mga salaysay? Kasi nakinabang na sila?

Ngunit marahil ang pinakamalaking puhunan ng sinomang lider ay hindi lamang kapangyarihan kundi ang kakayahang hubugin ang pananaw ng publiko. Kapag mahusay ang public relations, maingat ang script, at kontrolado ang mensahe, madaling mabuo ang isang imaheng malayo sa mga isyung ibinabato laban sa pamahalaan. Subalit hindi habang panahon ay sapat ang magandang palabas upang pagtakpan ang katotohanan.

Sa darating na halalan sa 2028, nasa kamay ng mga botante kung mananatili silang manonood ng isang mahusay na produksyon o magiging mapanuring mamamayan na titingin hindi lamang sa magagandang eksena, kundi sa tunay na nangyayari sa likod ng kamera.

Ang pinakamabisang panlaban sa anomang uri ng panlilinlang ay hindi magandang script—kundi botanteng marunong magtanong, magsuri, at manindigan sa katotohanan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here