Home OPINION CSSP KAKAMBAL NG FLOOD CONTROL SCAM (2)

CSSP KAKAMBAL NG FLOOD CONTROL SCAM (2)

3
0

HINDI pwedeng gawing biro ang napakalaking halaga ng sinasabi ni dating Department of Public Works and Highways Secretary Rogelio “Babes” Singson na programang may mga kikbakan o korapsyon.

‘Yun bang === P1.1 trilyong Convergence Special Support Program o CSSP na kasabay ng P1.3 trilyong flood control program na ngayo’y ayaw imbestigahan ng Kamara o Blue ribbon committee ng Senado.

Ayon kay Singson, binubuo ang P1.1T CSSP ng may P352 bilyon noong 2022, P388 bilyon noong 2023 at P410.9 bilyon noong 2024.

Ayon pa kay, Singson, kung pinagnakawan o kinikbakan ang P1.3T flood control program, ganito ang ginawa sa mga CSSP project.

Ipinahayag ito ni Singson nang magtalumpati siya sa Philippine Construction Arbitration Conference kamakailan.

Dinaan umano sa insertion sa mga pambansang badyet ng 2022 hanggang 2024 ang mga pondo at inimplimenta ito ng DPWH.

Inamin naman mismo ni Palace spokeperson Claire Castro ang katotohanang may CSSP at sinabi pa nga nitong noon pang 2012 meron ito nakita na panahon ni Singson bilang pinuno ng DPWH.

PINAGGAMITAN NG CSSP

Paliwanag mismo ni Castro, kabilang sa mga panimulang proyekto sa ilalim ng CSSP ang paggawa ng mga imprastraktura gaya ng mga kalsada at tulay patungo sa mga tourist areas.

Kalaunan, may ginawa na ring mga imprastraktura patungo sa malalaking pasilidad na pampubliko, turismo, drainage, farm-to-market road, multi-purpose na gusali, proyekto sa mga tabing dagat, health pcenter, patubig na lokal, paghahalukay o dredging ng mga ilog at sapa at kontra-baha at iba pa.

Pero inilarawan ni Singson ang mga proyekto rito na walang mga kaukulang pag-aaral na teknikal, takdang presyo at specification o maayos na katangian.

Kaya naman, malaki ang mga pagdududa na hinaluan ang mga ito ng mga katakot-takot na nakawan o kikbakan sa iba’t ibang anyo.

Meron din bang mga ghost project, sub-standard, overpricing at iba pang anyo ng mga korapsyon dito?

EBIDENSYA SA KIKBAKAN/NAKAWAN NASAAN?

Para sa ating Uzi, mga Bro, hindi magbibitiw ng mga pahayag sa CSSP si Singson nang walang pinanghahawakang mga patunay.

Kaya naman, kung magkakaroon ng imbestigasyon dito, malamang na makapagbibigay si Singson ng mga ebidensya.

At ebidensya ngayon ang nais na palabasin ni Castro na ilabas ni Singson.

MAG-IIMBESTIGA, SINO

Kung sakaling maging bukas ang Kamara o Senado sa imbestigasyon, maaasahan ba ang Malakanyang na makiisa rito?

O kaya’y maaasahan ba ang Malakanyang na muling magtayo ng katulad ng binuwag nang Independent Commission for Infrastructure para sa malaliman at malawakang imbestigasyon sakaling pasimulan ni Singson ang paglalabas ng mga ebidensyang hawak nito ukol sa mga kikbakan at nakawan?

Sakaling hindi naman gagalaw ang Kamara, Senado at Palasyo dahil posibleng masangkot ang lahat ng ito sa insertion, makikipagtulungan ba ang Palasyo sakaling mag-imbestiga rito ang Office of the Ombudsman motu propio o sa sarili nitong palo?

Sana naman, mabuksan din ang CSSP sa kaalaman ng publiko para sa katotohanan at mapanagot ang dapat managot sakaling mayroon ngang matatagpuang matitinding korapsyon dito, gaya ng nangyari sa salot na flood control program.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here