MAY krisis na nga sa tubig, pinupulitika pa.
Habang dumadaan sa transition ang serbisyo ng tubig sa San Jose del Monte mula sa Primewater/Hiraya patungo sa mas may karanasang water utility provider, hindi maiiwasan ang ilang technical difficulties. Hindi naman overnight ang pag-aayos ng problemang ilang taon nang nagpahihirap sa mga residente.
Imagine, napakaraming barangay ang matagal nang kulang o walang suplay ng tubig. At iyong iba na nagkaroon man, reklamo ng mga residente ang marumi, malabo at kung minsan ay may burak pa. Kaya nga, may mga nagsasabing mas bagay ang “Crimewater” kaysa Primewater. Masakit man ang biro, malinaw ang mensahe: matagal nang may problema ang serbisyo.
Mahalagang tandaan na hindi direktang sakop ng kapangyarihan ng Office of the Mayor ang pamamahala sa water distribution. May mga ahensya at regulatory bodies na may kanya-kanyang mandato sa usaping ito.
Ngunit sa kabila nito, kumilos si Mayor Ate Rida Robes upang humanap ng paraan para mapagaan ang pasanin ng kanyang mga kababayan. Alam naman nating mga Pilipino: pwede nang mawalan ng kuryente, huwag lang tubig—lalo na kung gusto nating maligo nang maayos!
Ngayon, habang inaayos ang sistema, kailangan ng pasensya. Hindi mahika ang rehabilitasyon ng water service. Hindi rin kayang iwasiwas lamang ni Mayor Robes ang ‘magic wand’ at biglang mawala ang problemang ilang taon nang kinakaharap.
At may isang bagay pang dapat itanong: bakit ngayong may ginagawa na para lutasin ang problema, saka naman may mga gustong magpa-pogi at magpakitang-gilas?
Sa loob ng napakatagal na panahon ng krisis, nasaan ang mga solusyon? Nasaan ang matitibay na panukala?
Madam Councilor Poordan, pasintabi na po, pero hindi ito panahon para mag-astang celebrity. Malayo pa ang 2028 elections. Ang tubig ay hindi campaign material.
Kung may maitutulong, tumulong. Kung may mas magandang solusyon, ilatag. Pero huwag gatungan ang galit ng taumbayan para lamang makakuha ng political mileage.
Dahil sa panahon ng krisis, ang kailangan ng San Jose del Monte ay solusyon—hindi sirkus.






