TINAWAG na “fixing the term.” Magandang pakinggan. Pero sa aktwal na epekto, ang panukala ng Kongreso na gawing limang taon ang termino ng barangay at SK officials ay may isang napakalaking resulta – maaantala ang nakatakdang November 2, 2026 elections hanggang 2028.
At dito nagsisimula ang problema.
Kung mas marami ang nais na matuloy ang halalan, bakit mas pinaboran ng nakararaming mambabatas ang panukalang magpapanatili sa kasalukuyang mga opisyal sa kanilang pwesto?
Hindi maliit na bagay ang halalan. Ito ang pagkakataon ng mga botante na pumili kung sino ang gusto nilang mamuno sa kanilang barangay. Kapag ipinagpaliban ito, ipinagpapaliban din ang karapatan ng mamamayan na pumili ng kanilang mga lider.
Hindi pa naman tapos ang proseso. Pag-uusapan pa ng Bicameral Conference Committee ang magkakaibang bersyon ng House at Senate. Pagkatapos, maaari itong ipadala sa Malacañang bilang enrolled bill. Nasa Pangulo ang kapangyarihang lagdaan, i-veto o hayaang maging batas ang panukala sa ilalim ng itinakdang proseso.
Dito, mahalaga ang magiging desisyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Kung sakaling maging batas, hindi rin nangangahulugang tapos na ang usapin. Maaari itong kuwestyunin sa Korte Suprema. Mabuti na lang at handa si Atty. Romulo Macalintal na hamunin ang batas kung tuluyang maisasabatas itong “fixing the term”. Maaari ring magkaroon ng restraining order na posibleng makaapekto sa implementasyon.
Dahil naman dito sa lumabas na fixing the term na ang tinutumbok ay pagpapaliban ng halalan, ang ordinaryong Pilipino ay naiwan sa isang malaking kalituhan. Tuloy ba ang halalan ba sa November 2, 2026 o hindi?
“Fixing the term” ang itinawag ng mga mambabatas sa kanilang panukala. Ang mas mahalagang tanong ay hindi kung anong magandang pangalan ang ibibigay sa panukala. Ang dapat tingnan ay ang tunay nitong epekto.
Pero kung ang resulta ay pagpapaliban ng halalan at pagpapahaba ng pananatili ng mga nakaupo, mahirap pigilan ang publiko na makita ito bilang ibang bagay.
Huwag sanang gawing palusot ang pag-aayos ng termino para ipagpaliban ang halalan. Ang pwesto sa barangay ay hindi pag-aari ng sinomang nakaupo—ito ay ipinagkakatiwala ng taumbayan.






