MANILA, Philippines – Umabot sa 1,027 lungsod at munisipalidad ang ganap o bahagyang nagsama ng disaster at climate resilience initiatives sa kanilang Comprehensive Development Plans (CDPs), ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa DILG, nakatutulong ang pagsasama ng disaster risk reduction at climate change adaptation (DRR-CCA) sa mga development plan upang matukoy ng mga LGU ang lokal na panganib at kahinaan at maisalin ang mga ito sa konkretong programa at proyekto.
Sa 1,348 lungsod at munisipalidad na may aktibong CDP, 1,299 ang sinuri ng DILG. Sa mga ito, 1,027 ang natukoy na ganap o bahagyang risk-informed, habang 272 ang hindi pa nakabatay sa risk assessment.
Sinabi ng DILG na patuloy itong nagbibigay ng policy guidance at technical assistance sa mga LGU sa pagbuo at pag-update ng kanilang CDP at Local Development Investment Program (LDIP).
Layunin nitong palakasin ang kakayahan ng mga komunidad na maghanda at tumugon sa mga sakuna at climate-related hazards.
Patuloy din ang nakatuong technical assistance sa mga LGU na hindi pa nakatutugon sa mga kinakailangan para sa CDP, katuwang ang iba pang development partners. SANTI CELARIO