PAGADIAN CITY, Philippines – Tinatayang P520,000 halaga ng hinihinalang puslit na sigarilyo ang nasamsam sa joint buy-bust operation sa Barangay Banale, Pagadian City, nitong Lunes ng gabi.
Ayon kay Capt. Derf Jay Maquinta, tagapagsalita ng Zamboanga del Sur Police Provincial Office (ZSPPO), isinagawa ang operasyon dakong 8:50 p.m. sa Purok Gemilina ng mga tauhan ng Zamboanga del Sur Provincial Intelligence Unit, Pagadian City Police Station at Bureau of Customs.
Target ng operasyon ang ilegal na pagmamay-ari at pagbebenta ng mga hindi nabuwisang sigarilyo, paglabag sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.
Gayunman, nakatakas ang suspek, isang nasa hustong gulang na lalaki mula Jolo, Sulu, matapos umano nitong mapansing undercover police officer ang kanyang ka-transaksyon.
Nasamsam ng mga awtoridad ang 904 reams ng hinihinalang puslit na sigarilyo at buy-bust money. Inimbentaryo at kinunan ng larawan ang mga ebidensya sa lugar sa presensya ng BOC representatives at isang barangay councilor.
Dinala ang mga nakumpiskang kontrabando sa BOC Pagadian City Field Office para sa kaukulang disposisyon. Patuloy naman ang hot pursuit operation laban sa suspek. RNT/MDS