MANILA, Philippines – Natapos na ng European Union (EU) at Pilipinas ang negosasyon para sa bilateral Free Trade Agreement (FTA), na magbibigay-daan sa pormal na paglagda sa kasunduan.
Inanunsyo ito matapos ang high-level talks nina Philippine Trade Secretary Ma. Cristina A. Roque at EU Commissioner for Trade and Economic Security Maroš Šefčovič.
Ayon sa magkasanib na pahayag ng EU at Pilipinas, inaasahang magdadala ang kasunduan ng bagong oportunidad para sa mga negosyo, mas maraming pamumuhunan at trabaho.
Dahil dito, ang Pilipinas ang ikatlong bansa sa Southeast Asia, kasunod ng Singapore at Vietnam, na nakapagtapos ng FTA negotiations sa 27-nation bloc.
Sinabi ni European Commission President Ursula von der Leyen kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inaasahan niyang makabalik sa Pilipinas sa 2027 para lagdaan ang kasunduan.
Saklaw ng FTA ang kalakalan sa goods at services, digital trade, government procurement, intellectual property at clean technology transitions. Inaasahan ding makikinabang ang maliliit at katamtamang negosyo, agricultural producers at manufacturers.
Ayon sa European Commission, EU ang ikaapat na pinakamalaking trading partner ng Pilipinas noong 2025, na kumakatawan sa 8.3% ng kabuuang trade in goods ng bansa. Umabot sa €17.6 bilyon ang bilateral trade, kung saan may €1.7-bilyong trade surplus ang Pilipinas. RNT/MDS