Nagdaos ng tatlong araw na transport strike ang mga miyembro ng transport group na Samahang Manibela, Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon na nagsimula ngayong Lunes, Oktubre 13.Panawagan nila sa kanilang kilos-protesta ang pagpapatigil sa jeepney phase out at consolidation. DANNY QUERUBIN
MANILA, Philippines – Muling nanawagan ang transport group na MANIBELA ng agarang taas-pasahe bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
“Fare increase, ngayon na (now)!” pahayag ng grupo.
Kinuwestiyon ng MANIBELA kung bakit hindi pa inaaprubahan ang hinihinging dagdag-pasahe. Anila, magiging walang saysay ang sunod-sunod na pagdinig kung hindi matutugunan ang hinaing ng mga driver.
Iginiit din ng grupo na hindi ayuda ang kailangan ng mga tsuper kundi makatwirang dagdag-pasahe upang makasabay sa mataas na presyo ng langis, bilihin, serbisyo at iba pang pangunahing pangangailangan.
“Ang gusto namin ay makatwirang fare increase hindi ayuda para makasabay kami sa mataas na presyo ng langis at mataas na presyo ng bilihin, mataas na presyo ng serbisyo at mahahalagang pangangailangan sa pang araw-araw na gastusin,” pahayag ng MANIBELA.
Tinutulan din ng grupo ang pangambang magdudulot ng mas mataas na inflation ang fare hike, dahil anila, ang pagtaas mismo ng presyo ng langis ay malaking dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo.
Bukod sa dagdag-pasahe, hiniling ng MANIBELA ang rollback sa presyo ng langis, pagtanggal ng excise tax sa fuel at pagbabago sa Oil Deregulation Law. RNT/MDS