Home NATIONWIDE Pagkalugi ni VP Sara sa ilang kampanya, pinuna ni Gatchalian sa SALN

Pagkalugi ni VP Sara sa ilang kampanya, pinuna ni Gatchalian sa SALN

3
0

MANILA, Philippines – Ipinunto ni Senate President Sherwin Gatchalian nitong Martes na posibleng hindi nanggaling sa 18 kumpanyang kaugnay ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio ang paglaki ng net worth nito, kung nakapagtala ang mga ito ng pagkalugi.

Ginawa ni Gatchalian ang obserbasyon matapos busisiin ang summaries ng mga korporasyon na inihanda at isinumite sa Senate impeachment court ni prosecution witness Gerardo Del Rosario, director ng company registration and monitoring department ng Securities and Exchange Commission (SEC).

“Tama po ba na sa lahat ng mga corporations na may kaugnayan kay Vice President Sara at kay Manases Carpio, wala po ni isang nag declare ng dividends?” tanong ni Gatchalian.

Kinumpirma ito ni Del Rosario, at sinabing walang impormasyon na nagsasaad na nagdeklara ng anumang dividends ang mga kumpanya.

“So ibig sabihin kung merong, kung ibabangga po namin ito sa SALN (statement of assets, liabilities and net worth), hindi ho pwedeng manggaling sa mga corporations nya yung paglaki ng kanyang net worth. Tama po ba? Dahil kung by process of elimination, titingnan natin yung mga corporations, pwede na nating i-rule out yung corporations?” muling tanong ng Senate chief.

“Kung ayun po rito at wala po syang natanggap na benepisyo, yung dibidendo, hindi ko po alam kung meron po syang made-deklarang kinita out of these corporations,” sagot ng testigo.

Tinanong din ni Gatchalian ang testigo kung karamihan sa mga kumpanya, maliban sa apat — GenCorp Industries Inc., Davao Emerging Taipans Corp., SGT Fortune Horse Corporation, at Mati City Ice Plant and Cold Storage — ay nakapagtala ng pagkalugi.

“Tama po,” sagot ni Del Rosario.

Napansin ng Senate chief na hindi shareholder si Duterte sa GenCorp batay sa SEC records.

“Yung may connection lang kay Atty. Manases at Vice President Sara yung Mati Ice Plant, Davao Emerging Taipans at SGT, ito lang yung kumita. The rest, tinitignan ko dito summary, lugi ho sya and therefore hindi ho makaka-declare ng dividends dahil lugi nga e,” diin ni Gatchalian.

Sumang-ayon ang testigo, at ipinaliwanag na ang mga may deficit sa retained earnings ay hindi maaaring magdeklara ng dividends.

Gayunpaman, iginiit ni defense lawyer Justin Nicol Gular na hindi ipinagbabawal sa ilalim ng Revised Corporation Code of the Philippines ang hindi pagdedeklara ng dividends.

“Under Section 42, hindi naman prohibited ang hindi pag-declare ng dibidendo, di ba?” tanong ni Gular sa kanyang cross-examination sa testigo.

“Opo dahil sa word na ‘may,'” ani Del Rosario.

Nakasaad sa Section 42 ng Revised Corporation Code na “The board of directors of a stock corporation may declare dividends out of the unrestricted retained earnings which shall be payable in cash, property, or in stock to all stockholders on the basis of outstanding stock held by them.”

“So pag walang dineklara, hindi naman po illegal yung ginagawa ng mga korporasyon. Tama po ba?” muling tanong ni Gular.

“Hindi naman po,” sagot ng testigo.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here