WASHINGTON — Inatasan ng isang federal judge sa Estados Unidos ang administrasyon ni President Donald Trump na ibalik ang White House access ng CNN, Politico at MS NOW matapos pansamantalang harangin sa loob ng 14 araw ang ipinatupad na ban laban sa tatlong news organizations.
Sa desisyon ni US District Judge Tim Kelly nitong Huwebes, sinabi niyang malamang na nilabag ng pagkansela sa press credentials ang due process rights ng mga mamamahayag. Inatasan niya ang White House na agad ibalik ang kanilang press passes habang nagpapatuloy ang kaso.
Kinuwestiyon din ni Kelly ang argumento ng Trump administration na national security concerns ang dahilan ng pagbabawal, dahil aniya kulang ang factual support na magpapatunay na manganganib ang seguridad kapag muling pinapasok ang mga mamamahayag.
Ipinagbawal ni Trump noong Setyembre 18 ang CNN, Politico at MS NOW sa White House matapos niyang akusahan ang mga ito ng pagpapakalat ng umano’y maling at negatibong reporting. Kinasuhan naman siya ng tatlong news organizations, na nagsabing nilalabag ng ban ang kanilang First Amendment at due process rights.
Gayunman, ilang oras matapos ang utos ng korte, hindi pa rin pinapasok sa White House ang ilang mamamahayag mula sa tatlong outlets. Hindi pa malinaw kung sinadyang hindi sundin ang kautusan o nagkaroon lamang ng problema sa pagpapatupad nito sa White House security system.
Dahil dito, humiling ang CNN, Politico at MS NOW ng emergency follow-up hearing kay Kelly, sinabing hindi pa naipatutupad ng administrasyon ang kautusan na ibalik ang kanilang access. RNT