Home NATIONWIDE 6 flood control projects sa Davao City posibleng ‘ghost’ — NBI

6 flood control projects sa Davao City posibleng ‘ghost’ — NBI

4
0

MANILA, Philippines — Anim na flood control projects sa Davao City ang itinuturing ng National Bureau of Investigation (NBI) na malalakas na kandidato bilang posibleng “ghost projects” matapos ang isinagawang pagsusuri sa 100 proyekto sa lungsod.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, 51 sa 100 proyektong sinuri ang na-red flag dahil sa mga posibleng iregularidad.

“Doon po sa 51 na ’yan, merong anim na strongly candidate na ghost project,” ani Matibag sa panayam sa Super Radyo dzBB.

Natuklasan din umano ng mga imbestigador na isang geographic coordinate ang nabigyan ng pondo nang limang beses sa loob ng isang General Appropriations Act budget year ngunit may magkakaibang project titles.

Ayon kay Matibag, dalawang beses itong nabigyan ng tig-P21 milyon at tatlong beses naman ng tig-P22 milyon.

Patuloy ding iniimbestigahan ng NBI ang mga flood control project na nakuha ng contractor na Genesis 88. Nauna nang sinabi ng ahensya na umabot sa humigit-kumulang P7 bilyon ang halaga ng mga proyektong nakuha ng isang contractor sa Davao City mula 2018 hanggang 2024.

Nilinaw naman ng NBI na hindi lamang Davao City ang saklaw ng imbestigasyon at sinusuri rin ang mga proyekto sa iba pang lugar kabilang ang Bulacan, Mindoro, Cebu, Quezon, Tarlac at La Union.

Kapag nakakita ng sapat na ebidensya ng posibleng kriminal na pananagutan, sinabi ni Matibag na maaaring iendorso ang mga kaso sa Department of Justice o Office of the Ombudsman.

Nauna nang sinabi ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte na bukas siya sa imbestigasyon ngunit hiniling na pare-pareho ang pamantayan sa pagsisiyasat ng mga proyekto sa iba’t ibang lugar. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here