MANILA — Arestado ang tatlong kadarating pa lamang na mga pasahero matapos masabat ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang 18,679 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱18.679 milyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ayon sa BOC-NAIA, dumating sa bansa ang tatlong pasahero mula Bangkok, Thailand nang matukoy sa routine baggage screening ang mga kahina-hinalang larawan sa kanilang mga bagahe.
Dahil dito, isinailalim sa masusing physical examination ang kanilang mga gamit, kung saan nadiskubre ang malaking halaga ng marijuana na umano’y itinago sa loob ng kanilang mga bagahe.
Pinuri ni NAIA District Collector Atty. Maria Yasmin M. Obillos-Mapa ang magkasanib na operasyon ng mga operating units at law enforcement agencies.
Ayon sa opisyal, ipinapakita ng pagkakasabat ang kahalagahan ng patuloy na pagbabantay at koordinasyon upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Samantala, sinabi ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na patuloy na paiigtingin ng ahensya ang intelligence-led operations at border protection laban sa ilegal na droga at iba pang uri ng smuggling.
Naging bahagi ng operasyon ang BOC Enforcement and Security Service–Customs Anti-Illegal Drug Task Force (ESS-CAIDTF), NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), X-Ray Inspection Project (XIP), PDEA-Aviation Security Group, at Bureau of Immigration.
Matapos ang pagkakaaresto, isinuko ang tatlong pasahero sa PDEA para sa kaukulang pagsasampa ng kaso dahil sa umano’y paglabag sa Section 4 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Patuloy namang isinasagawa ng mga awtoridad ang kaukulang proseso kaugnay ng nasabat na kontrabando. JAY Reyes