TUUUBIIIIIIGGG! Tuuubiiiiiiigggg!Tuuuubiiiiiiiggg!
TIYAK na ito ang isisigaw ng lahat, ang matinding pangangailangan ng tubig, magmula ngayong mga buwan na ito hanggang Kapaskuhan at magpapatuloy ito sa Marso-Mayo 2027.
Ito’y dahil sa super El Nino na nagsimula na at matatapos umano sa Marso-Mayor 2027.
Sa super El Nino, sinasabi ng Department of Science and Technology at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na kabilang sa mga magaganap sa buong panahong ito ang kakulangan ng ulan sa Luzon at Visayas ng 40% hanggang 60% habang habang 60% hanggang 80% naman Mindanao.
Aabot din ang init ng panahon o kapaligiran sa bansa sa 50 degrees Celsius sa katapusan ng taon at lalong tataas sa 52°C to 55°C sa Marso hanggang Mayo sa 2027.
Sa init na ito sa kapaligiran, nakatutulong nang malaki ito para mawalan ng katubigan ang maraming lugar at palalain pa ang kukulangin ng ulan.
Dapat nating paniwalaan ang mga sinasabi ng DOST-PAGASA lalo’t hindi lang naman ito ang nagsasabi kundi ibang mga bansa, na daranas din ng kaparehong kalagayan sa sobrang init ng panahon.
At sa ating pagtitiwala, dapat sa mga araw na ito, kumikilos na ang lahat sa paghahanap ng pagkukunan ng tubig hindi lang para sa inumin ng mga tao at hayop kundi para sa mga pananim.
Nakaamba ang pagkauhaw ng mga tao, hayop at halaman o pananim dahil sa labis-labis na kawalan o kakulangan ng tubig, at naririyan ang panganib tungo sa kamatayan o pagkasira ng mga ito.
PROGRAMANG PATUBIG NASAAN?
Sinasabing kumikilos na ang lahat ng ahensya ng pamahalaan, kasama ang mga local government unit sa paghahanap ng remedyo laban sa mga problemang hindi lang sa kakulangan ng tubig at labis na mainit na kapaligiran kundi sa hindi magandang ibubunga ng mga ito gaya ng kamatayan at kasiraan, kasama ang masisirang produksyon ng pagkain gaya ng bigas, gulay at isda mula sa mga palaisdaan, dam, ilog at lawa.
Nariryan ang National Irrigation Administration at mga management ng mga dam, ang Departments of Agriculture, Agrarian Reform, Environment and Natural Resources, Finance at iba pa.
Kumikilos din ang Kamara at Senado sa paggawa ng mga batas na mabilisang ilalapat at magagamit ng pambansang pamahalaan at mga LGU sa pagsasagawa ng mga programang kinakailangan.
Nakatuon lahat kung saan at paano kukunin ang tubig para sa lahat ng nangangailangan nito.
PONDO AT KORAPSYON
Paralisado o hindi makakilos ang alinmang sangay ng gobyerno kung walang pondo para rito.
Nasaan ang mga pondong dapat ibinubuhos na ngayon pa lang sa paghahanap ng tubig na pampuno sa mga darating na kakulangan dito?
At kung mayroon nang pondo, gagamitin ba ang mga ito nang tama?
Nakatatakot kasing isipin na masasama lang ang pondo sa mga iskam at kikbakan gaya ng nangyayari sa mga flood control at school building program o project na gino-ghost na at sinu-substandard pa.
Posibleng isusulat lang sa tubig ang mga proyekto at basta na lang maglalaho rin ang mga pondo rito.
O paano?






