NOONG September 24, 2026, alas-3:45 ng hapon ang flight ng inyong lingkod sa AirAsia mula Manila patungong Cagayan de Oro. Simple lang ang plano: sumakay sa tamang oras, makarating sa Laguindingan airport at bumiyahe nang halos isang oras patungong CDO.
Kung dumating ako sa Laguindingan ng 5:05 ng hapon, mayroong susundo na kaibigan na maghahatid sa CDO sa isang hotel sa lugar at ang susunod ay babalik sa Iligan City.
Pero naging alas-8 ng gabi ang flight.
Dahil dito, nagdesisyon akong huwag nang tumuloy. Gabing-gabi na akong darating sa Laguindingan, may isang oras pang biyahe patungong CDO, at hindi ako sigurado kung may masasakyan pa. Dahil hindi na ako mahihintay ng susundo dahil nga Mula CDO hanggang Iligan City ay mahigit 2 oras. Hindi lang oras ang nakataya—kaligtasan, pagod at dagdag na gastos din.
Kaya nag-rebook ako sa alas-3:45 ng madaling-araw ng September 25.
Para makasiguro, umalis ako ng bahay alas-12 midnight at dumating sa airport alas-1:20 ng madaling-araw. Akala ko tapos na ang problema. Hindi pa pala.
Sa check-in pass, nakita kong 6:45 A.M. na ang flight. May DELAY na naman.
Ang mas nakaiinis, alas-12:10 A.M. pala ay nag-email na ang AirAsia tungkol sa pagbabago ng flight. Ang problema, alas-12 midnight ay nakaalis na ako ng bahay. Nasa biyahe na ako nang dumating ang abiso.
Kaya ang ending: naghihintay ako sa NAIA Terminal 2 hanggang umaga.
At alam nating lahat—walang tulugan sa airport na kayang tumbasan ang tulog sa sariling kama.
Nakatatawa dahil dati, ipinagmamalaki ko pa ang AirAsia. Sinasabi ko na maaasahan ito at madalas ay on time.
September 27, araw ng balik sa Manila ng PAKUROT, nagmamadaling umalis sa CDO dahil ang flight ay 6:20 ng gabi at dapat ay darating sa Maynila ng 7:55 ng gabi pero muli na namang may abiso ng delay. Nasa Airport na ng mabatid. Nakaalis ang eroplano ng Laguindingan ng 9:50 p.m. at dumating sa T2 ng 11:25p.m. Ang saklap talaga.
Pero ang karanasang ito ang nagturo sa akin na bilang pasahero, hindi sapat ang murang pamasahe o magandang promotional fare. Ang hinahanap namin ay serbisyong marunong rumespeto sa oras ng taong nagbabayad.
Sa international flights, may mga sitwasyong nagbibigay ng compensation o assistance kapag malaki ang delay, depende sa applicable rules. Kaya hindi rin dapat balewalain ang epekto ng paulit-ulit na pagkaantala sa mga pasahero.
Hindi biro ang isang delay. Kapag may connecting ride, trabaho, appointment, importanteng lakad o taong kailangang puntahan, domino effect ang bawat oras na nawawala.
At hanggang ngayon, may mga pagkakataon pa ring nakararanas ng delay ang ilang AirAsia flights.
Kaya sana, ayusin ng AirAsia ang operasyon nito.
Dahil ang pasahero ay hindi baggage na pwedeng ilipat sa susunod na flight kapag nagkaproblema.
Tao ang pasahero. May ORAS, PAGOD, GASTOS at kailangang nasa takdang oras sa kanilang pupuntahan.
At kapag paulit-ulit na ipinagpapalit ang oras niya sa palpak na operasyon, hindi lang flight ang nade-delay. Tiwala ng pasahero ang unti-unti ring lumilipad.






