Home OPINION KURYENTE: ‘DI DAPAT MAUNA SA LIWANAG NG KATOTOHANAN

KURYENTE: ‘DI DAPAT MAUNA SA LIWANAG NG KATOTOHANAN

1
0

KURYENTE! Isang salitang Pinoy na ang ibig sabihin ay impormasyong kulang o walang beripikasyon.

Sa pamamahayag, nakahihiya ito. Sa pulitika, mas mapanganib dahil kapag maling akusasyon ang kumalat, reputasyon ang unang napipinsala bago pa man dumating ang katotohanan.

Kaya nakapagtatakang tila nagkakaroon ngayon ng sariling bersyon ng “kuryente” si Sen. Panfilo “Ping” Lacson, na matagal nang kilala sa imahe ng isang imbestigador na hindi umano nagsasalita nang walang “resibo.”

Nang humarap sa Senado si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, malinaw ang sagot niya na wala silang natukoy na napatunayang ghost project sa Taguig. Ayon naman kay DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III, 107 na proyekto ang nakatala sa lungsod at lahat ay may dokumento.

Sa halip na doon huminto at hintayin ang beripikasyon, iginiit ni Lacson na tila “lumabo” ang memorya ni Dizon at inilabas ang mga paunang report at AI analysis tungkol sa kahina-hinalang billing photos.

Pero sandali.

Red flag ba? Posible. Ghost project na? Hindi pa.

Iyan ang simpleng hangganan na tila nalalampasan kapag nauuna ang ingay kaysa ebidensya.

Pati ang geotag na tumuturo umano sa Leyte ay dapat siyasatin. Pero ang maling “coordinate” ay maaaring pagkakamali sa dokumentasyon. Hindi ito “magic wand” na kapag iwinasiwas ay biglang nagiging patunay ng pandaraya.

Pati sa usapin ng reclamation sa Laguna Lake, may malinaw na pagtanggi ang Taguig na hindi nito pagmamay-ari o ginagamit ang lupang tinutukoy at wala itong inilabas na permit sa mga pribadong indibidwal na sinasabing sangkot.

Kung gayon, bakit tila kailangang maunang hatulan ang Taguig bago matapos ang imbestigasyon?

Dito nagiging mapanganib ang “kuryente.” Ang hinala ay nagiging bintang. Ang bintang ay nagiging headline. At ang headline ay nagiging hatol sa social media.

Hindi masama ang mag-imbestiga. Hindi masama ang magtanong. Pero hindi rin dapat gawing hatol ang bawat hinala.

Kung may katibayang pinanghahawakan, ilabas. Kung may ebidensya, ipakita. Kung may kasalanan, papanagutin at parusahan. Pero kung beripikasyon pa lamang ang ginagawa, huwag munang magpanggap na tapos na ang kaso.

Dahil sa tunay na imbestigasyon, hindi dapat nauuna ang kuryente kaysa liwanag ng katotohanan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here