PREMATURE ba ang pagpapatupad ng “no contact apprehension program” ng mga local government unit kung may mga usaping ligal pang hinihintay para sa desisyon ang mga petitioner?
Matindi ang pagtutol ng ilang transport groups sa planong pagpapatupad ng mga LGU ng sarili nilang bersyon ng NCAP. At hindi lamang ito usapin ng multa, privacy o due process. May mas mahalagang tanong: Bakit tila nagmamadali ang ilang LGU na ipatupad ang NCAP gayong may mga usaping ligal pang isinusulong ng petitioners?
Noong Hulyo 9, 2026, inanunsyo ng Supreme Court ang dismissal ng consolidated petitions laban sa NCAP, dahil itinuring nitong moot na ang mga isyu matapos ma-adopt ang Metro Manila Traffic Code of 2023. Kasabay nito, inalis ang dating temporary restraining order.
Ngunit ayon sa mga lider ng transport group na sina Boy Vargas ng ALTODAP, Oberholzer Martin ng PASANG MASDA at Liberty de Luna ng ACTO, naghain sila ng Motion for Reconsideration noong Agosto 5, 2026, at hinihintay pa umano ang aksyon ng Korte Suprema.
Kung gayon, hindi ba nararapat lamang na maghintay muna ang mga LGU?
Hindi ito simpleng usapin ng kung pwedeng magpatupad o hindi. Ang NCAP ay may direktang epekto sa motorista—sa kanilang pera, sasakyan at karapatang umapela sa isang traffic violation.
Kung may hinihintay pang ligal na paglilinaw, bakit kailangang unahan ng pagpapatupad?
Ang KORTE SUPREMA ang dapat magbigay ng huling linaw sa mga usaping nasa harap nito. Ang mga LGU naman ay dapat umiwas sa anomang hakbang na maaaring magdulot ng panibagong kalituhan sa motorista.
Ang traffic enforcement ay kailangang may disiplina, ngunit ang gobyerno mismo ay dapat ding disiplinado sa pagpapatupad ng batas.
Hindi masamang maghintay kung ang hinihintay ay malinaw na hustisya. Mas masama ang magmadali at saka malalaman na kailangan palang umatras.
Kaya bago pindutin ang camera at maglabas ng panibagong multa, LINAWIN MUNA ANG BATAS.
Teka, bakit nga ba nagmamadali ang LGUs na maipatupad ang NCAP kahit buhay pa ang kaso sa Korte Suprema?






