Home OPINION PRO 4A RD 24/7 SA TRABAHO, COP NG SILANG NATUTULOG SA PANSITAN

PRO 4A RD 24/7 SA TRABAHO, COP NG SILANG NATUTULOG SA PANSITAN

3
0

NOONG Sabado ng gabi, bandang alas-7:38, nasagi ang aming sasakyan ng isang pampasaherong jeep na sa halip na huminto ay nag-hit-and-run sa Tagaytay-Sta. Rosa Road, Barangay Puting Kahoy, Silang, Cavite.

Dahil ang asawa ko ang nasa manibela, agad niyang hinabol ang jeep na may plakang DXV-862 at sinabihang tumigil. Nang makita ng driver na foreigner ang aking asawa, tila lumakas ang loob nito. Iginilid ang jeep at pinababa ang mga pasahero, marahil sa pag-aakalang kaya niyang paikutin ang driver ng aming sasakyan.

Binaliktad pa ang pangyayari at iginiit na kami raw ang bumangga sa kaliwang hulihang bahagi ng kanyang jeep.

Hindi ako kumibo. Nasa passenger side ako at napaliligiran kami ng mga kapwa niya driver. Makalipas ang ilang sandali, dumating ang nagpapatrolyang sasakyan ng Silang Police. Agad nilapitan ng driver ang pulis at sinabi nitong reckless driver ang aking asawa dahil foreigner. Hindi na ako nakapagpigil kaya sinabi kong “Maingat magmaneho ang asawa ko dahil ayaw niyang magkaroon ng problema pabalik sa kanila.”

Kinuha ng pulis ang lisensya ng aking asawa at sinabing may susunduin lamang siyang kasamang pulis at babalik agad. Ngunit bigla silang nawala kasama ang jeepney driver.

Dahil hindi kami taga-Cavite, naligaw pa kami bago makarating sa Silang Municipal Police Station bandang 8:25 p.m. Doon, nakita namin ang pulis na rumesponde. Sinabihan kaming maghintay dahil kumakain pa ang imbestigador.

Lumipas ang isang oras, wala pa rin.

Apat na beses kong tinawagan ang Chief of Police na si PLt. Col. Joseph Dorado Macatangay, ngunit walang sumagot at napunta lamang sa voicemail ang tawag.

Dahil kailangan naming umuwi para sa aming Flu Vaccine Shot project para sa senior citizens sa Batangas kinabukasan, napilitan akong tumawag kay Police Regional Office 4-A Director PBGen Dominic Baccay.

Dalawang ring pa lamang, sumagot na siya.

Sinabi ko, simpleng minor vehicular incident lang ito at hindi ko na siya dapat abalahin kung hindi lamang tila natutulog sa pansitan ang COP ng Silang.

Kaagad niyang inatasan ang desk officer na asikasuhin kami. Makalipas ang sampung minuto, hinarap kami ni PSSG Emerson Busto, na naging patas sa imbestigasyon kahit hindi ko agad ipinakilala ang aking sarili.

Iginiit pa rin ng driver na kami ang bumangga. Mabuti na lamang at may dashcam kami. Kitang-kita ang pagsagi niya sa aming sasakyan habang pakaliwa siyang pumapasok sa linya.

“Magdemandahan na lang tayo,” hamon niya. Sabi ko, okay na sana. Comprehensive naman ang insurance namin. Pero hinamon niya ako. Eh di kasuhan. Ang masaklap, paso pala ang official receipt ng kanyang sasakyan. Kaya siya rin ang natiketan.

At ang pinakamaganda, hanggang makauwi kami, nakaantabay si RD Baccay. Doon lang ako nagpakilala na taga-Media. Sumagot siya “Kahit hindi ka taga-Media, aalalayan kita dahil bahagi ito ng aking mandato.”

Iyan ang serbisyong gusto nating makita—hindi dahil may media, kundi dahil may mamamayang nangangailangan ng tulong.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here