MARAHIL tuwang-tuwa o baka nalungkot pa ang prosekusyon nang sabihin ni Impeachment Court spokesperson Atty. Reginald Tongol na matatapos na sa Disyembre ang paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte at sa Disyembre 16, 2026 ito hahatulan kung nagkasala o hindi.
Pero hindi pa natutuyo ang laway ni Tongol dito, idineklara ang balitang araw ng paghuhukom na fake news ni Senator-Judge (SJ) Raffy Tulfo at sinundan pa ito ng pahayag ni Presiding Judge Chiz Escudero na ang mga SJ ang magpapasya rito at hindi kung sino-sino lang.
Bakit tila atat ang prosekusyon na matapos na sa pinakamadaling panahon ang paglilitis sa pagkalos nila ng sarili nilang mga testigo at maging sa isa nilang article of impeachment?
Ano-ano nga kaya ang naiisip ng mga ito?
Naisip tuloy ng Lupa’t Langit ang pinagsasabi ni SJ Tito Sotto makaraang madeklara nila na 14 lang at hindi 16 ang kailangang boto para maideklarang guilty si VP Sara.
Ito ang pinagsasabi ni Sotto: Kung darating sina SJ Dante Marcoleta, Jinggoy Estrada, Loren Legarda at Ronald dela Rosa, pwedeng bumoto ang mga ito.
Dito makukumpleto ang 16 na botong pang-conviction at maaaring madiskaril ang prosekusyon na sibakin si VP Sara sa posisyon at pigilin itong tumakbong Pangulo sa halalang 2028 sa bisa ng 14 boto.
Kaya naman, habang nakakulong sina Marcoleta at Estrada, nasa labas ng bansa si Legarda at nagtatago si Dela Rosa, dapat may botohan na sa pinakamadaling panahon.
Mas matutuwa pa sila kung makukulong din si SJ Alan Peter Cayetano, maging si Presiding Officer Chiz Escudero at si SJ Robin Padilla para lalong bumaba ang kailangang boto sa conviction at kung may maghuhudas pa mula sa minorya na dagdag-boto para sa conviction ni VP Sara.
Naku!






