MARAMI ang nagtatanong kung bakit mayorya ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ay tutol na isapubliko ang listahan ng kanilang mga proyekto, pati na ang halagang hinihingi para tustusan ang mga ito.
Kung kaya kasing gawin ng ilang kongresista na isapubliko at ilantad sa mamamayan ang kanilang mga inilatag na proyekto sa kanilang distrito at kung magkano ang alokasyong kanilang hinihingi para ito maisakatuparan, bakit mas maraming kongresista ang tutol dito?
Hindi tuloy nawawala ang pagdududa ng publiko na may itinatago ang karamihan sa kanila o baka naman ayaw nilang ipabatid ang halaga ng hinihinging alokasyon sa mga proyekto dahil tiyak na mag-iisip ang marami na mas maraming proyekto, mas malaki ang alokasyon, mas malaki rin ang porsyento.
Partikular na nagpanukala sa kongreso na ilantad sa publiko ang mga proyektong pang-imprastraktura ng bawat congressional district at party list ay si Navotas Congressman Toby Tiangco dahil karapatan aniya ng taumbayan na malaman kung saan napupunta ang kanilang pinaghihirapang salapi na siyang ginagamit bilang alokasyon sa mga ipinapanukalang proyekto ng bawat kongresista.
Sabi pa ni Tiangco, kailangang malaman ng taumbayan ang halaga ng hinihinging budget sa mga ipinapanukalang proyekto ng mga kongresista sa ngalan ng transparency at accountability.
Para patunayan na hindi lang drawing, papogi, o pakitang-tao ang kanyang panukala, kusang isinapubliko ni Tiangco ang mga inihain niyang mga proyektong pang-imprastraktura sa Lungsod ng Navotas, pati na ang halagang dapat ilaan dito, kasama ang Malabon-Navotas District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways.
Kung tutuusin, wala namang dapat ikahiya, ikatakot, o itago ang mga panukalang proyektong pang-imprastraktura ng mga kongresista sa kanilang distrito, pati na rin ang party list representatives, kung talagang wala silang ikinukubli o ikinatatakot na mabisto.
Lalo tuloy lumalaki ang hinala ng mamamayan na sadyang ayaw isapubliko ng mga kongresista ang kanilang mga proyekto dahil mabibisto ang malaking porsyento na kanilang matatanggap sa bawat proyekto.
Nakapanghihinayang nga dahil gumanda na ang imahe ng kongreso noong kasagsagan ng ginagawa nilang imbestigasyon sa hindi maipaliwanag na yaman at iba pang akusasyon laban kay Bise Presidente Sara Duterte at naungusan pa nga nila sa trust at performance rating ang Senado dahil naman sa agawan sa leadership.
Pero ngayon, sadsad na naman ang trust at performance rating ng Kongreso, lalo na sa ginawa nilang pagdodoktor muli sa 2027 national budget. Sabi nga ng marami, hindi na natututo o sadya raw makapal ang mukha.






