Home METRO Abalos: Mga parak ‘di pinaalis sa KOJC compound sa court order

Abalos: Mga parak ‘di pinaalis sa KOJC compound sa court order

MANILA, Philippines- Ipagpapatuloy ng mga awtoridad o ng kapulisan ang paghahanap kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City para matunton at maisilbi ang arrest warrant laban sa lider ng grupo na si Apollo Quiboloy sa kabila ng Temporary Protection Order na ipinalabas ng lokal na korte.

Ang paliwanag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., malinaw na nakasaad sa ipinalabas na Temporary Protection Order ni Davao City Regional Trial Court Branch 15 Presiding Judge Mario Duaves, araw ng Martes, Agosto 27 na alisin ang lahat ng uri ng barikada o harang na pumipigil sa KOJC members na magkaroon ng access sa compound.

“What the order stated is to remove all forms of barricades, barriers or blockade that bar the access to and from the subject compound and hinder petitioner’s religious and academic property rights and the pursuit thereof by its officers and members within the surrounding premises,” ayon kay Abalos.

“But it did not specifically say that the police must stop the operation. This will continue and I guarantee that this operation to find Pastor Quiboloy will continue,” dagdag niya.

Araw ng Martes nang magbunyi ang  KOJC members matapos na makatanggap ng report ukol sa ipinalabas na court order na inaatasan si Abalos at mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).

Ang naging interretasyon ng KOJC members sa court order ay “kailangan nang umalis sa compound ng mga pulis.”

Subalit para kay Abalos, malinaw na ang court order ay patungkol sa dapat nang alisin ang mga barikada at hindi ang police forces na patuloy na naghahanap kay Quiboloy.

“Walang ganun,” ayon kay Abalos.

“As far as I am concerned, that is my interpretation—that the PNP (Region 11) is hereby ordered to remove all forms of barricades, barriers or blockade,” patuloy niya.

Ani Abalos, susunod naman ang PNP sa kautusan ng korte subalit sa aspeto lamang na alisin ang mga barikada.

Tinuran pa ni Abalos na patuloy silang nakatatanggap ng positive developments pagdating sa operasyon sa pag-aresto kay Quiboloy.

“What I can say is that there is a good development. I am sorry but I cannot specify what the police are doing but the goal of finding Quiboloy is near,” wika ni Abalos.

Samantala, pinipilit naman ng kapulisan na mahanap ang entrance ng bunker sa loob ng KOJC compound kung saan pinaniniwalaan na nagtatago si Quiboloy. Kris Jose