Home NATIONWIDE ACT sa DepEd: Bayanihan ‘wag gawing dahilan sa pagpapabaya sa Brigada Eskwela

ACT sa DepEd: Bayanihan ‘wag gawing dahilan sa pagpapabaya sa Brigada Eskwela

MANILA, Philippines – Hinimok ng grupo ng mga guro ang Department of Education (DepEd) na huwag gamitin ang konsepto ng “Bayanihan” bilang palusot na hindi makapagbigay ng pangangailangan ng mga paaralan sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29.

Ito ay kasunod ng apela ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte kasabay ng National Brigada Eskwela kick off nitong Lunes, Agosto 8, ng “bayanihan spirit of every Filipino” upang matulungan ang mga paaralan.

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), hindi sila tutol sa mga sponsor at partner, ngunit iginiit na responsibilidad ng DepEd na ibigay ang pangangailangan ng mga paaralan.

“Ang isa sa panawagan natin na tingin ko ay naging tagumpay naman ay hindi na maging contest ang Brigada Eskwela, kasi sa matagal na panahon naging contest ‘yan. Talagang pinanghihingi ng mga teachers ang pangangailangan sa eskwela,” sinabi ni ACT-NCR Union President Ruby Bernardo sa panayam ng ABS-CBN News.

“Hindi naman tayo against sa Bayanihan n concept nito, pero mas lalo’t higit sana hindi maging panakip butas ito sa responsibilidad ng gobyerno para sa pangangailangan ng mga eskwelahan lalo na ang ating public schools,” dagdag niya.

Kasabay ng National Brigada Eskwela, naramdaman umano ng mga guro ang pressure na maghanap ng mga sponsor para sumuporta sa programa.

Kung hindi kasi makakakuha ng sponsor, ani Bernardo, ay mapipilitan ang mga guro na magpaluwal para sa gastos sa pangangailangan ng paaralan.

“Iyong pakiramdam ng teacher na pabigat ‘yun sa kanya, kasi paano kapag wala kang kaibigan na may kakayahan o wala kang network. Syempre napaka-unfair sa side niya kasi kulang na nga po ‘yung sahod kaya napipilitan kami na humugot sa sarili naming bulsa dahil sa pressure na ‘yun,” giit ni Bernardo.

“Wala naman kasi choice kasi wala namang inilaan na budget para doon sa pagkukumpuni ng aming classrooms. Napakaliit ng MOOE (maintenance and other operating expenses) para ilaan ‘yan doon sa repairs namin,” sinabi pa niya.

“Kaya ang panawagan namin sa DepEd ay talagang kailangan ng budget para sa dagdag na classrooms, dagdag na teachers, teaching personnel,” pagpapatuloy nito.

Sa hiwalay na panayam ng Teleradyo Serbisyo, nilinaw ni DepEd Assistant Secretary Francis Bringas na hindi pinapayagan ng DepEd ang mga guro na pumasok sa direct solicitations mula sa potential partners.

“We are prohibiting the teachers, the school-based personnel from soliciting, or doing solicitations for the Brigada Eskwela because we are institutionalizing this in the schools divisions offices, regional offices and the central office para hindi maging trabaho ng teachers na mag-solicit ng mga gamit para lang mapaganda o ma-implement ang Brigada Eskwela,” sinabi ni Bringas.

Ang mga interesadong sumuporta ay dapat umanong pumasok sa “Adopt-a-School Program” so ng DepEd upang mamonitor kung ang donasyon ba ay naididiretso sa mga paaralan. RNT/JGC