Home HOME BANNER STORY AFP sa Tsina: Teritoryo ng Pinas ‘di pinalalawak, pinoprotektahan lang

AFP sa Tsina: Teritoryo ng Pinas ‘di pinalalawak, pinoprotektahan lang

MANILA, Philippines- Binatikos ng Armed Forces of the Philippines nitong Linggo ang China’s Southern Theater Command kasunod ng joint drills ng Pilipinas sa United States at Canada sa West Philippine Sea (WPS), kung saan sinabing hindi pinalalawig kundi pinoprotektahan lamang ng bansa ang teritoryo nito.

Ito ang tugon ni AFP spokesperson Colonel Francel Padilla sa pahayag ni Southern Theater Command spokesperson Tian Junli na tinangka umano ng Pilipinas na pagtakpan ang umano’y  ilegal na panghihimasok sa maritime rights ng China at umano’y panggugulo sa kapayapaan at katatagan sa South China Sea sa pamamagitan ng “military provocations and media hype.”

Binanggit ng AFP official ang 2016 Permanent Court of Arbitration decision na tumabla sa expansive claims ng China sa South China Sea at pinagtibay ang exclusive economic zone ng Pilipinas sa lugar.

“Ang magandang i-point out dito is ang bansa po natin, we are not expansionists. Hindi tayo nanghihimasok sa ibang property ng ibang bansa. Tayo po are merely defending our own territory na nakakapaloob sa international laws,” giit ni Padilla sa isang panayam.

“Sinabi naman na po ng international na batas na itong exclusive economic zone, itong sakop niya, ito ang dine-defend natin. Hindi po tayo nag-e-expand sa iba pong lugar,” dagdag niya.

Tumutukoy ang West Philippine Sea sa maritime areas sa kanlurang bahagi ng Philippine archipelago saklaw ang Luzon Sea at mga katubigan sa paligid nito, “within and adjacent” sa Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal).

Kinasuhan ng Philippine government ang China sa international arbitral tribunal sa The Hague noong 2013, kung saan pinaboran ang una noong July 2016 nang ibasura ang nine-dash claim ng huli sa South China Sea.

Subalit, patuloy na binabalewala ng China ang panawagan ng Pilipinas na tumalima sa 2016 arbitration ruling. RNT/SA