Home METRO Air Force official nasakote sa pagbebenta ng sniper rifle

Air Force official nasakote sa pagbebenta ng sniper rifle

MANILA, Philippines- Arestado ang isang aktibong Philippine Air Force captain dahil sa umano’y pagbebenta ng sniper rifle sa isang buy-bust operation ng Philippine National Police Maritime Group 3rd Special Operation Unit (PNP MG 3rd SOU) sa Pasay City.

Sa panayam sa Camp Crame nitong Biyernes, sinabi ni 3rd SOU Commander Maj. Marlo Gabato na nadiskubre ng isa sa intelligence officers ng unit na nagbebenta umano ang kapitan ng sniper rifle online sa halaganag P1.2 milyon.

Batay sa ulat ng 3rd SOU, nakipagkita ang poser-buyer sa suspek at isang kasabwat, kung saan nagdala ang dalawa ng sports utility vehicle (SUV), sa harap ng isang casino sa Pasay City noong Huwebes ng gabi.

“Nung nagkaroon na ng transaction, kukunin na yung baril, nakahalata yung suspek natin. Biglang sinara (the trunk) at nagkaroon ng komosyon,” wika ni Gabato.

Sa kasagsagan ng kaguluhan, tumakas ang ikalawang suspek sakay ng sedan, karga ang ibebenta sanang sniper rifle.

Subalit, nahuli ang unang suspek, at sa pag-inspeksyon ng mga awtoridad sa SUV ay nadiskubre ang isang Glock 17 pistol na may 14 rounds ng live ammunition at Armed Forces of the Philippines (AFP) identification card na pagmamay-ari ng isang Air Force captain.

“The recovered firearm is believed to be government-issued, subject to further verification,” saad sa 3rd SOU report.

Gayundin, base kay Gabato, walang naiprisintang certificate of authority for exemption mula sa Commission on Elections (Comelec) gun ban ang suspek.

“Kanina, vinerify namin sa FEO (Firearms and Explosives Office), itong Air Force captain na ito ay mayroong siyang record sa FEO na nagmamay-ari siya ng more than 50 firearms sa record,” paliwanag ni Gabato. RNT/SA